Suspek sa nakawan na brief lang ang suot, muling umatake sa GenSan

Muling nahuli-cam ang lalaki na naka-brief lang kapag nanloob sa puntirya niyang bahay sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, ipinakita ang CCTV footage na nahagip ang suspek na dahan-dahan na naglalakad sa labas ng bahay na brief lang ang suot at bitbit ang tsinelas sa Purok 5, Barangay Conel noong Biyernes ng gabi.
Pero hindi nagtagal, umalis din ito na walang napasok na bahay.
Ngunit ayon sa barangay, posibleng sa ibang lugar na walang CCTV camera nakahanap ng biktima ang suspek.
Ang naturang lalaki rin ang itinuturong nahuli-cam na nanloob sa isang bahay noong nakaraang buwan, at nakatangay ng nasa P70,000 halaga ng mga alahas at gamit sa GenSan din.
Dahil sa insidente, paiigitingin pa ng pulisya ang paghahanap sa suspek.
Ayon kay Police Major Robert Fores, spokesperson, PNP-PRO-12, may utos ang kanilang regional director para sa mga opisyal ng kapulisan sa nasabing lungsod na paigtingin ang paghahanap sa suspek dahil sa muling pag-atake nito. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.