Lalaking nahuli sa drug buy-bust sa Marikina: 'Pag nakagamit po ako, feeling ko ang guwapo-guwapo ko'
Timbog ang tatlong lalaki at dalawang babae dahil sa pagtutulak at paggamit umano ng ilegal na droga sa Barangay Malanday, Marikina City. Ang suspek, ginagamit umano ang kaniyang tindahan bilang front sa pagbebenta ng shabu umano.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing isinagawa ng mga awtoridad ang buy-bust Biyernes ng gabi.
“Kapag hindi po ako gumagamit ng shabu nanghihina po ako. ‘Pag nakagamit po ako, feeling ko po ang guwapo-guwapo ko,” sabi ng isa sa mga lalaki na aminadong bumabatak matapos mahuli.
Batay sa pulisya, ilang buwan silang nagmanman makaraang makatanggap ng sumbong sa mga residente tungkol sa panggugulo umano ng mga suspek sa lugar.
“Tapos ang sinasabi nga ng mga residente roon, 'yung mga parokyano nitong bilihan ng shabu na ito, nagkakagulo sila minsan. Nadadamay 'yung ibang mga dumadaan doon, 'yung iba ay kahit natatutulog, nabubulahaw dahil sa ingay nitong mga tao na ito,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Melvin Atacador, hepe ng EPD Drug Enforcement Unit.
Mahigit 31 gramo ng shabu umano na nagkakahalaga ng mahigit P200,000 ang nasamsam mula sa mga suspek. Nakuha rin sa isa sa mga suspek ang isang .22 caliber na baril.
“Itong mga suspek natin, mga dati nang nahuli rin sa pagtutulak at paggamit ng pinagbabawal na gamot. At itong suspek natin, na ginagamit niya 'yung kaniyang tindahan parang front. Tindahan lang siya pero doon na sila nagkakaroon ng transakisyon sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot,” sabi ni Atacador.
Tumangging magbigay ng kanilang panig ang ibang mga suspek, samantalang itinatanggi ng isa na sangkot siya sa pagbebenta at paggamit ng shabu.
“Bigla na lang nagkaganoon eh. Nagkagulo. Hindi ako gumagamit,” sabi ng nahuling lalaking suspek.
“Siguro po kausap na lang po ako ng lawyer,” sabi ng isang babaeng naaresto.
Nakabilanggo na ang mga suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dagdag na reklamong illegal possession of firearms naman ang kahaharapin ng isa sa mga suspek. —Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.
_2026_11_28_21_50_42.jpg&w=1200&q=70)