2 lalaking humataw sa isang aso hanggang mamatay sa Nueva Vizcaya, hinahanap ng awtoridad

Dalawang lalaki ang pinaghahahanap ngayon matapos nilang paghahampasin hanggang sa mamatay ang isang aso sa Barangay Buliwao sa Quezon, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa drone video ang paghabol ng isang lalaki sa aso, saka niya ito pinagpapalo.
Maya-maya pa, isa pang lalaki ang dumating at pinalo rin ang aso hanggang mamatay.
Lumabas sa imbestigasyon ng Quezon Police na ibinenta ang aso upang katayin.
Nakawala ito kaya hinabol ng dalawang lalaking trabahador.
Sinabi ng isa sa mga saksi na hindi nila naawat ang pagpaslang sa aso dahil natakot sila para sa kanilang kaligtasan.
Nakipag-ugnayan na ang may-ari ng drone video sa Animal Kingdom Foundation. Hawak na rin ng pulisya ang video.
Posibleng maharap ang dalawang lalaking pumatay sa aso sa reklamong paglabag sa Animal Welfare Act. — Jamil Santos/ VDV GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.