Babae, sugatan nang mabangga ng motor sa Cavite; rider, bumaba para tingnan ang biktima pero tumakas
_2026_10_07_14_56_35.jpg)
Nagtamo ng mga sugat ang isang babae matapos siyang masalpok ng isang motorsiklo sa General Mariano Alvarez, Cavite. Ang rider, huminto at saglit na lumapit sa biktima, ngunit tumakas kalaunan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang CCTV ng pagbangga ng isang motorcycle rider sa isang babae na nasa gilid ng kalsada sa Barangay San Gabriel pasado 10 p.m. noong Setyembre 30.
Tumalsik ang babae sa lakas na pagkakabangga.
Bumaba ang rider upang tingnan ang kondisyon ng biktima. Ngunit nang makita niya itong gumagalaw pa, bumalik siya sa kaniyang motor at tumakas.
“After ng incident sir, tinakasan ng suspect ‘yung victim. And then nakaresponde rin ang patroler po natin, at nakapagtawag agad sila ng ambulance kaya nadala agad sa ospital ang biktima,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Roel Gabito, Chief of Police ng General Mariano Alvarez, Cavite Police Station.
Natukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng babae, na ligtas at nagpapagaling makaraang magtamo ng mga sugat at pasa sa katawan.
Kasalukuyang nag-iimbestiga ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng nakabanggang rider.
Tinitingnan na nila ang mga CCTV kung saan posibleng dumaan ang rider.
“Malinaw po na reckless imprudence resulting [in] physical injury po sir. Kasi ‘yung biktima sir may mga tama,” sabi ni Gabito. — Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.