[Tambay] Paasa pa rin ang depensa ni VP Sara

Ang linyang iyan ay isa sa mga paborito ng inyong friendly neighborhood tambay. Isa ito sa mga siping sinabi ni Master Oogway, ang pawikang maéstro sa maalamát na pelikulang Kung Fu Panda.
Ang ibig sabihin ng pantas ay laging may dahilan ang báwat pangyayari, at hindi bastá-bastá nangyayari ito. Walang aksidente o walang nagkakataon lang. May paliwanag kaya nagkakilala kayo. May dahilán ang pagsasalubong ng inyong landas. Pinagtatagpo ang lahat ng pangyayari, hindi ito “good timing” lang. Hindi ala-suwérte ang “being in the right place at the right time.”
At noong Biyernes, Nobyembre 19, pumasok sa isip ng inyong tambay na, bagamá’t hindi raw sinasadya, may dahilan kung bakit may sumiklab na visual effects ng naglalagablab na apoy sa broadcast ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Day 44 ng impeachment (panoorin dito mula sa markang 56:16 minute), tóka ni Senator Alan Peter Cayetano ang opening prayer. Nakapikit at nakayuko pa ang senador. Nakatayo sa rostrum at may bukas na Bibliya sa harap niya. Nakikita ng mga manonood na taimtim na nananalangin ang senador. Bago matapos ang dasal, pagkasabi ni Cayetano ng “make it very, very clear whether a conviction is in order or an acquittal,” saglit na sumikláb at nabalot ang screen ng mga nanonood mula sa kaliwa pakanan ng transition effect ng lumagabláb na apoy.
Ang bilis ng pangyayari. Ano ‘yun? Bahagi ba ‘yun ng pa-effect ng dasal ni Cayetano? Pagkakamali lang ba ng admin ng tech na nangangasiwa ng live stream?
Noong hapon ding iyon, humingi ng paumanhín ang Public Relations and Information Bureau ng Senado. Sabi ng PRIB sa kanilang pahayag: “We sincerely apologize for the accidental transition effect that appeared during the live stream of the Senate Impeachment Court proceedings today.” Ang sinisisi: “[an] unexpected technical issue during the broadcast, which we deeply regret.”
Bumuô agad ng kuwénto ang malikót na utak ng inyong tambay. Siguro dahil palígoy-lígoy ‘yung panalangin, pabirông pumasok sa isip ng isang nasa tech booth ng Senado na “singitan ko kaya ng maapoy na pa-effect” ‘yung eksena ni Cayetano? Káso, nagkatotoo ang iniisip niya nang hindi sinadyâng napindot ang transition button.
Ilang beses na ring nangyari sa inyong tambay iyan. Pabirô lang dapat o kaya’y usapang “atin-atin lang ito, ha” kaso naro-wrong send. Naku po, sabit na naman!
Pinagalitan ni presiding judge Senator Chiz Escudero ang Senate PRIB sa nangyari. Sabi ng senador: “The flames are not well-taken and inappropriate in this proceedings.” Iniútos ni Escudero na alisin ang eksena sa talaan ng Senado.
May mananagot kaya sa PRIB kung hilingin ni Senator Alan na disiplináhin ang may sala? Pero wala akong nabasang komento ni Cayetano sa nangyari. Na-let-go na kaya niya? O baka naman may hindi tayo nalalaman?
Looking forward sana sa depensa ni Sara
Ilang beses na binanggít ng tambay ninyo na, “looking forward” itong marinig ang sagot ng depensa ni Vice President Sara Duterte sa mga ibinibintang sa kanya sa gumugulong na pagdinig.
Noong sinabi ng prosekusyon na tapos na silang ihayag ang mga ebidénsiyá ng kanilang articles of impeachment, sabay isinapubliko pa ang pagbawi sa tatlo sa apat, natuwa ako dahil sa wakas maririnig ko na ang panig ng depensa ni VP Sara. Oras na para ang depensa naman ang maglahad ng kanilang ebidénsiyá. Malalaman na natin ang mga arguménto ni Duterte.
Sabi pa nga ng abogado ni VP Sara na si Michael Poa, may paliwanag sila sa mga ipinukól ng prosekusyon. Dagdag ni atorni, ang mga saksi ng depensa ang tutugon.
Ilang linggo na ang lumipas, ngangá pa rin ako.
Inasahan ng publiko ang matinding balik ng depensa sa mga ibinató sa kanila. Parang may nagsabi pa nga, hindi ko lang maalala kung sino, hintayin daw ang pasabog ng panig ni VP Sara.
Pero puro mintís ang mga testigo ng depensa.
Pinakamabigat na sanang saksi itong ipinakilalang anti-money laundering expert na si Rainer dela Fuente, CPA at abogado.
Sa pag-unawà ko bilang isang hamak na tambay, napiling saksi ng depensa si Dela Fuente para tibagin ang nilalaman ng financial analysis na iniharap bilang ebidensya ng prosekusyon sa impeachment court. Ang financial analysis ay nagsasabi diumanó ng hindi maipaliwanag at nakatagong yaman ni VP Sara.
Sa ulat na isinumité sa impeachment court ng saksi ng prosekusyon na nagpakilalang forensic financial analyst at abogadong si Alex Cabrera, sinabi niya na sa kanyang “conservative estimate” mayroong hindi idineklarang yaman si VP Sara na P817.87-million.
Kahit mas maalam sa anti-money laundering si Dela Fuente, tumestigo siya sa tingin niyang pagkukulang ng financial analysis. Ang problema sa opinyon ng testigo ng depensa ay hindi niya nabasa ang buong financial analysis. Sa huli, sinabi ni atorni na ang mga nasabi niya ay sagot lang niya sa mga theoretical na itinanong sa kanya.
Tanggap ng inyong tambay ang sinabing iyan ng testigo.
Ang hindi ko mapapalampas ay nang usisain ang political affiliation ni Dela Fuente. Nasabi kasi niya sa unang bahagi ng testimonya niya na wala siyang political affiliation. Sa katunayan, hindi siya bumoto noong 2019.
Pero parang nabalatan ang testigo nang tinanong siya ni Senator Kiko Pangilinan tungkol sa kanyang malapit na kaibigan at dating law partner mula 2018 hanggang 2021. ‘Yung law partner ni Dela Fuente ay dating counsel ng Duterte Youth. At sinabi rin ni Pangilinan na ang law partner na iyon ay supporter din ni kandidatong Rodrigo Duterte nung halalan ng 2016. Si Dela Fuente, ‘yung law partner, at si Digong ay kapwa mga nagtapos sa San Beda Law.
Sinabi ni Dela Fuente na hindi niya alam na ang law partner niya ay sumuporta kay Tatay Digong. Hindi rin niya alam na abogado ng Duterte Youth kahit magka-partner sila sa law firm.
Sunod na tanong ni Sen Kiko: “Sabi mo hindi ka bumoto since 2019. Sinong binoto mo noong 2016 presidential election?” Hindi na raw niya maalala, sabi ni atorni. Tinanong pa ni Dela Fuente: “Sino po ba ang kandidato noon?”
Tulad na din ng mga naunang testigo, naging makakalimutin na si atorni.
Gusto ko sanang tanungin si atorni: Kung sakaling maalala mong si Tatay Digong pala ang ibinoto mo noong 2016, kahit ’ika mo nga “ang tagal na nun,” wala namang mali doon. Eh, sa iyon ang kandidatong pinaniwalaan mo.
At nasa mga disclosure din lang naman tayo, inaamin ko na pabor ako kay Tatay Digong noong 2016. Ang paniniwala ko kasi ay panahon na para magkaroon ang Pilipinas ng presidente na taga-Mindanao. Kahit hindi ko siya kilala, dahil taga-Mindanao siya, dapat subukan naman natin.
Malay ko bang magkakaganoon tayo? Sorry na po. – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.