JP Aguilera sa biro tungkol sa mga bata at palaruan: 'Dapat hindi siya taken seriously'
Humarap ang komedyanteng si JP Aguilera sa National Bureau of Investigation - Violence Against Women and Their Children Division nitong Biyernes at nagpaliwanag sa biro niya tungkol sa mga palaruan at ang koneksyon nito sa mga bata.
Sa kaniyang pahayag kay John Consulta ng GMA News, sinabi ni Aguilera na iba ang intensyon ng kaniyang biro at alam din niya ang kaniyang responsibilibad bilang isang manunulat.
“Sinabi ko naman na, ito ‘yung intent, ganyan. Cinlarify ko lang na, being a writer by profession, alam ko naman how to be responsible with words,” saad niya.
Sinabi ni Aguilera na hindi dapat seryosohin ang kaniyang biro.
“Ang sa akin, ang ano ko doon is dapat hindi siya taken seriously. Tsaka 'yun nga, na-misinterpret siya,” saad niya.
Humarap si Aguilera sa ahensiya alinsunod sa subpoena na inisyu laban sa kaniya.
“Sabi ko, ito ‘yung proper forum. Kesa magsasagot ako online.”
Iginagalang ni Aguilera ang damdamin ng mga nasaktan sa kaniyang pahayag. Gayunman, nanindigan siyang iba ang kaniyang intensyon.
“Kung may na-offend, I respect 'yung feelings, 'yung emotions. Pero 'yun nga, parang at the end of the day, alam ko, klaro 'yung konsensya ko na 'yung intent ko is hindi 'yung binabato nila sa akin.”
Ipinunto pa ng Pencilbox Comedy comedian na hindi para sa lahat ng tao ang estilo niya na dark comedy.
“Siguro kung doon sa mga na-offend, siguro... 'yung style of comedy ko which is dark humor, baka hindi para sa kanila. Ang sa akin ang gusto kong maging [point] nito is, hindi 'yun ang intent ko, yung, 'yung [ipinupunto] nila.”
“Naramdaman ko na parang I have to stand my own ground. Kasi nga, 'yun nga, parang ang nangyari sa akin na parang nabombard agad ako ng comments. 'yun nga, when all of this blew up, I wasn't able to explain myself,” pagpapatuloy niya.
Matatandaang inalmahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang sakop nitong ahensya na Council for the Welfare of Children (CWC), ang paggamit ng seksuwal na katatawanan na kinasasangkutan ng mga bata sa mga comedy set at online content.
Sa isang pahayag, binanggit ng DSWD ang pahayag ni Aguilera, na gumamit ng mga palaruan at ang koneksyon ng mga ito sa mga bata bilang isa umanong seksuwal na reperensiya.
“The DSWD stands firmly behind the CWC in reminding performers and content creators, and of course everyone, that children must never be reduced to punchlines or subjects of sexual insinuations,” sabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
Sinabi ni Dumlao na bagama't pinahahalagahan ang malikhaing pagpapahayag, nanganganib na maging normal ang hindi naaangkop na pagtrato sa menor de edad sa mga biro na nagpapababa sa kanilang kahinaan. —Jamil Santos/LDF, GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.
