Mga patay at natuyo nang ahas, nakita sa likod ng wallpaper sa dingding ng bahay

Ang paglilinis ng bahay ng isang pamilya, nauwi sa pagtataka at pangamba nang makita ang nasa limang patay at natuyong mga ahas sa likod ng wallpaper sa dingding ng kanilang bahay.
Sa ulat ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!,” ikinuwento ni Yel na dalawang taon nang nakadikit ang wallpaper sa kuwarto ng bahay, at naisipan nilang maglinis nang lumuwag ang lugar nang maalis na ang ilang gamit.
Habang sa mapansin nila na may tila buntot sa nakalawit sa wallpaper kaya inalis nito at doon na nakita ang naturang mga patay na ahas sa likod.
Hinala nila, may ahas na nanganak doon kaya hindi rin nila naiwasan na kabahan dahil may kasama silang baby sa bahay na kailangan nilang protektahan.
Aniya, napapalibutan ng mga puno at kawayan ang likod ng kanilang bahay, at mayroon ding maliit na sapa.
Sa kabila nito, wala naman na silang nakikitang buhay na ahas mula nang alisin nila ang wallpaper.
Balak na nilang papalitadahan o ipa-finish ang dingding upang hindi na pagtaguan ang mga ahas.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.