[Tambay] Mga politikong sakitin at matatakutin

- There is sudden spike in the number of politicians who suddenly complain of health issues when facing legal troubles.
- Former House Speaker Martin Romualdez is the latest politician to use health concerns to avoid legal consequences, drawing parallels to past political figures who faced similar situations.
- Vice President Sara Duterte, meanwhile, contradicts herself when she says she doesn't feel safe in the Philippines after she herself made threats to have President Marcos killed.
This is AI-generated. Read the article for full context. Report any errors.
Bukambibig ng mga tanders tulad ng tambay na ito ang linyang, ang mga kabataan ngayon ay lalambot-lambot. Konting ulan lang, “no classes” na agad. Dagdag pa ng boomers: Noong panahon namin, Signal No. 2 na pumapasok pa rin kami sa eskuwela.
Salamat sa mga politiko ng henerasyong ito, may pang-resbak na ang mga kids.
Ang ibinabalibag nila sa mga tanders: ang mga politiko ngayon, mga sakitin.
Sabi nga ng isang nakausap ko, kundî pa sila maaaresto, hindi pa malalaman ng mga politikong ito na may sakit sila. Ibig sabihin, pasalamat sila at may asúnto sila, na “check up” sila at “nakita” ‘yung sakit nila.
Opkors, sino’ng niloloko nila?
Pero, ’ika nga, look at the bright side: kaya marami sa kanila ang sumasamâ ang pakiramdam ay dahil napupuruhan na ang mga tiwali. Padating na ang tinatawag na “certainty of conviction.” Dinadahan-dahan sila ng Ombudsman. Inuuntî-untî.
May nakapagsabi nga sa isang umpukan namin na nagmumukhang masipag ang Tanodbayan o Ombudsman na si Boying Remulla, dahil mistulang walang silbí yung dating nakapuwesto riyan. Noong panahon ni Samuel Martires bilang tanodbayan sa ilalim ng administrasyon ni Rodrigo Duterte, ubod ng dálang ang kinasuhan ng korupsiyon. Sabi pa nga ng isang komentarista sa radyo, “Halos walang mga kasong dininig ang Sandiganbayan noong panahon ni Martires.” Akala mo daw nakabakasyon ang anti-corruption court.
Ang pinakahuling “nagkasakit” ay si dating House speaker Martin Romualdez, pinsang buo ni Pangulong Bongbong Marcos. Nasa ospital na si Romualdez nang silbihan siya ng arrest warrant dahil sa pagkakasangkot niya sa bilyon-pisong flood control mess. Isang litanya ng sakit ang iprinesenta ng personal na doktor ni Romualdez bilang suporta sa hiling niya sa Sandiganbayan na sa ospital muna siya ipiít.
Noong Sabado, Setyembre 12, sa utos ng hukuman, dinala siya ng mga awtoridad sa Philippine General Hospital para suriin ng independiyenteng mga doktor ng gobyerno.
Nung hinuli rin sila kamakailan, nagkasakit din sila Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta. Nasabi ng mga doktor ng gobyerno na wala nang panganib sa kalusugan ni Marcoleta. Dinala na siya sa New Quezon City Jail sa Payatas at doon binabantayan ang kanyang kalusugan.
Si Estrada naman ay nadala na sa Payatas jail. Pinayagan siya ng hukom na ipa-check up ang kanyang tuhod. Nagpapaalam si Estrada na isailalim sa operasyon ang kanyang mga tuhod. Pero bago pa ang araw ng check-up, may lumagutok daw sa tuhod ni Jinggoy ay kinailangang ma-emergency daw. Nasa ospital na siya ngayon.
Ilang taon na ang nakalilipas, nung naka-hospital detention din si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo habang may hinaharap na kaso. Laging naka-neck brace at naka-wheelchair pa noon si Arroyo. In-acquit siya ng Korte Suprema, at paglabas niya ng ospital, wala na ang neck brace niya.
Nasa abroad din ang magkapatid na Senador Alan Peter at Senadora Pia Cayetano bagamán wala pang kasong isinasampa laban sa kanila. Sabi ng ilang kapwa nila senador, “health reasons” daw ang dahilan sa pag-alis ng mga Cayetano.
Pero, mga kids, hindi naman lahat ng mga politiko ay bumahag ang buntot. Tandaan ninyo si dating senador Leila de Lima ay nakulong nang pitong taon base sa mga imbentong bintang ng administrasyong Duterte. Ibinasura ang lahat ng mga kasong ibinato kay De Lima. Ngayon ay isa na siyang congresswoman.
Si dating Pangulong Noynoy Aquino ay may dignidad at walang mga kondisyón na humarap sa Senado nung pinagpapaliwanag siya sa nangyaring kontrobérsiyá sa Dengvaxia vaccine ng kanyang administrasyon. Hindi siya nagdrama.
Nasa usapin na rin lang naman tayo ng drama…
Makailang ulit pinanood ng inyong friendly neighborhood tambay (kinopya kay Spider-Man ‘yan) ang iba’t ibang panig ng ulat tungkol sa arrest warrant ni Vice President Sara Duterte.
May púntos naman siya sa ibang sinabi at ipinakita niya. May kanya-kanyang paliwanag ang magkabilang panig. Ang sabi ng mga abogado ni VP Sara, susuko sana siya Camp Crame at hindi maglalagak ng piyánsa para ipakita ang paniniwala niyang “immune from arrest” ang Bise Presidente tulad ng Presidente. Ang Camp Crame ang general headquarters ng Philippine National Police.
Nagbago ng isip ng VP nang sabihin ng mga pulis na sa isang conference room muna nila pananatilihin siya dahil, una, may mga kriminal na nakakulong sa piitan ng kampo. Ikalawa, wala na silang ibang lugar na available para sa VIP.
Noong September 5, Sabado, sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 na siya pumunta para maglagak ng piyansa. Bailable ang mga kaso niya.
Gumawa muna ng eksena ang Vice President nung pagdating niya sa gusali sa loob ng QC City Hall compound. May mga piling punto lang masasabi ang tambay, na isang hamak na usyosero lang.
Nasabi kasi ni Sara na “immune from suit” ang vice president, ayon daw ‘yan sa Saligang Batas. Pero, nung July 2019, kinasuhan ng administrasyon ng kanyang tatay ng sedition ang noo’y nakaupong vice president na si Leni Robredo. Teka, teka, noon ay puwedeng kasuhan ang bise presidente, ngayon ay immune na?
Kumati ang anit ko sa pangangatuwiran na ito.
“I do not feel safe,” sabi ni VP. Dagdag pa niya, ‘yan daw ang “feeling ng mga Filipino” na hindi daw sila safe.
Teka, teka, Ma’am Inday, ‘yung kaso mong grave threats ay hango sa video ng press conference mong naka-public kung saan múra ka nang múra at saka sinabi mong may nakausap kang papatay sa pangulo ng Pilipinas at pamilya nito kapag may mangyari sa iyo. Dalawang beses mo pa ngang sinabi: “no joke, no joke.”
Sa isang speech mo din sa harap ng mga taga-suporta mo na nasa The Hague sinabi mong múra lang umupa ng mga killer sa Pilipinas. Tapos ngayon feeling mo hindi ka safe?
Doon sa litanya niya sa media sa QC na she does “not feel safe,” naglarawan si Inday Sara ng mga “maaaring” gawin sa kanya. Sabi niya, puwede siyang barilin kapag nasa hagdan siya paakyat sa korte — “Di ba si Ninoy Aquino sa hagdanan pinatay?” Sinabi rin niya na puwede siyang patayin at itapon sa kanal.
Teka, teka, ‘yang mga ikinuwento ni Inday, parang narinig ko na iyan. Alam ko na! Nasa sanaysay iyan ng ibang mga kapamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings nung panahon na mayor ng Davao at malaon ay pangulo ng Pilipinas ang tatay mo.
At saka kung talagang hindi safe dito sa Pilipinas, dapat na yatang itigil iyang pagsigaw ng linyang “bring him home” para mapauwi ang dating presidente. Baka nga nasa panganib ang buhay niya dito sa Pilipinas. At saka, kahit paano, libre pa-doktor at mga gamot sa kulungan niya sa The Haque kung magkakasakit siya. – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.