First Lady Liza Marcos, pinangunahan ang Likha 5; galing at likhang Pinoy tampok

Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Pinangunahan ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang pagbubukas ng ‘Likha 5: Likha ko, Lahi ko’ sa Likhang Filipino Exhibition Halls sa Pasay City.
Kinausap ng unang ginang ang ilang artisans habang nag-iikot sa mga Likha booth.
Mahigit 100 Filipino artisans ang tampok sa exhibition na layong pagyamanin at palakasin ang local creative economy at dalhin sila sa global market sa pamamagitan ng demonstrations, workshops, talks at pakikipag-usap sa mga artisans.
Layunin din nitong ipasa ang tradisyunal na kaalaman, linangin ang mga susunod na henerasyon ng mga manlilikhang Pilipino at gawing accessible ang mga Filipino crafts sa mas malawak na audience.

Ayon sa mga artisan, malaki ang tulong ng Likha sa kanilang hanapbuhay dahil naibebenta nila ang kanilang mga produkto sa mas malaking market at maraming bumibili nito.
Sa pamamagitan ng pagdedemo nila ng paggawa ng kanilang handcrafted products ay nabibigyan ng edukasyon ang mga tao kung paano ang proseso at gaano kabusisi ang paggawa nito.
Ayon kay Siegrid Anne Bangyay, isang Sagada Igorot ceramic artist, “Para makita ng lahat, ma-educate ang lahat, kasi laging ang tanong: bakit ang mahal? Remember that these are handcrafted; to do this, marami pang training before or experience before you can make such good quality products.”
Sa pamamagitan nito, nabubuhay din ang Filipino crafts, culture at tradition.
Tulad ng “Pabalat o Borlas de Pastillas,” isang traditional paper-cutting art mula sa Bulacan na gumagawa ng iba’t ibang disenyo ng pastillas wrappers mula sa Japanese paper.
Ayon sa pabalat artisan na si Maria Natividad Ocampo, “Ang ginagawa namin para ma-preserve ito, nagpapaworkshop ako sa mga eskuwelahan para po matutunan ng mga kabataan at yung sining na ito ay hindi mawala.”
Sa loob ng exhibition halls, makikita ang iba’t ibang booth kung saan nakadisplay ang mga Filipino crafts tulad ng mga tradisyunal na kasuotan, textile, mga tribal accessories, bags, basket at kagamitan sa bahay.
Ang Likha 5 ay magbubukas sa publiko sa October 2-4, mula 9 a.m. hanggang 7 p.m. Ang admission dito ay libre. —LDF, GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.