Naipong school allowance, ginawang puhunan sa naging matagumpay na negosyong wooden kitchenware

Naglakas-loob ang isang fresh graduate na gamitin ang naipon niyang school allowance bilang pangnegosyo na wooden kitchenware at souvenir sa Pampanga. Ang kaniyang sinimulan, matagumpay at kumikita na ngayon ng six digits kada buwan.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang negosyo ni Don Carlo Harnecillo, na mga gamit sa kusina na gawa sa kahoy ng Acacia.
Kuwento ni Don, nagsimula ang lahat sa “date” ng kaniyang naging kasintahan noon, kung saan nauwi sila pag-uusap tungkol sa negosyo.
“‘Yung first labas namin is biglang business meeting pala. Nakakatuwa lang dahil kaysa mag-date-date lang. So business. So then ‘yun after niyang i-propose sa akin ‘yung business, bigla kong pinag-isipan, aba puwede!” aniya.
Ginawa niyang puhunan ang naipon niyang P34,000 mula sa school allowance bilang fresh graduate noong Agosto 2022.
Magmula noon, nagkaroon na siya ng mga manggagawa na may malikhaing kamay. Sunod-sunod agad ang natanggap nilang orders dahil papasok ang Ber months kahit nagsisimula pa lang sila.
“First few months lang hanggang December. Dahil nga pa-Ber months ‘yun, sakto bigla ‘yung sales no’n that time grabe pa din 'yung sales talaga, nakakabigla. January dapat mag-start ako sa dream company ko pero hindi ko tinuloy kasi nga ganu’n talaga siya kalakas lagi. Ayun
tinanggihan ko,” ani Don.
“I can say na worth it pa din. Worth it never ako magsisisi,” pagpapatuloy niya.
Ipinagmamalaki ni Don na solid na Acacia wood ang gamit nila kaya hindi ito nagmo-mold o nabubulok.
Depende sa presyo ng laki at hirap sa paggawa ng bawat produkto, mabibili mula P59 hanggang P999 ang kahoy items ni Don.
Bestseller nila ang mga mug, at classic o steak board, pati na rin charcuterie board.
Maaaring bumili ng tingi o paisa-isa, o bultuhan na puwedeng ipangregalo o giveaway kitchen wares.
Mula Enero hanggang Agosto, dalawang linggo ang kanilang kadalasang lead time sa paggawa ng bulk orders. Pero pagdating ng Ber months, isang buwan ang ginugol nila sa preparasyon.
Naghanap sila ng sulit at pangmalakasang engraving machine dahil mabenta ang customized o personalized orders,
May additional engraving fee na P60 para sa pangalan at P100 kung logo ang itatatak.
Umaabot ng 3,000 hanggang 4,000 piraso ng gamit pang-kusina ang naibebenta nina Don sa isang buwan. Pinakamalaki nilang kinita sa isang buwan ang six digits.
Ayon pa kay Don, Gen Z ang kaniyang mga empleyado.
“Gen Z kaming lahat. Nabibigla ako doon sa mga ideas nila na hindi naman sila business related pero wow kaya pala nilang gawin na ang gagaling ng mga bata ngayon. Sinadya ko talaga na ipriority talaga 'yung mga working students. So kahit anytime nila gustong pumasok, okay lang,” sabi ni Don.
“So 'yung gusto ko kasi is i-enjoy lang nila 'yung work. Ayoko 'yung parang nabibigitan kasi siyempre nabibigatan na nga sila sa studies nila tapos sa work pa? So hindi, gusto ko po i-enjoy lang nila kaya hinayaan ko sila kung anong gusto nilang gawin. Then kapag may talagang hindi na lang sila alam na may medyo big problem lang doon na lang sila nagre-reach out lagi sa akin,” pagpapatuloy niya.
Dahil sa negosyo, nakabili na si Don ng iba't ibang ari-arian.
Sa edad na 26, dalawang beses siyang naihalal bilang pinakabatang Board of Director ng isang kooperatiba sa buong Pampanga. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.