10,000 ang posibleng mamatay kapag pinilit arestuhin si Bato dela Rosa sa Mindanao -- Sec. Jonvic Remulla

Nasa Mindanao at pinoprotektahan ng isang grupo si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ng kalihim na patuloy ang kanilang negosasyon sa grupong kumukupkop kay dela Rosa para mapasuko ang huli at maiwasan ang posibleng madugong komprontasyon.
“He’s in Mindanao. He’s under the protection of a group we are currently initiating conversations with for his turnover to the authorities,” saad niya.
Ipinaliwanag ng kalihim na hindi basta-basta makakapasok ang mga alagad ng batas upang arestuhin si Dela Rosa sa lugar na kinaroroonan nito dahil maaari itong humantong sa madugong komprontasyon.
“In exchange for up to 10,000 potential deaths, I would rather negotiate first than cost the lives of Filipinos in this,” ani Remulla. “You don’t always solve problems with a hammer. Sometimes you solve things better in a more peaceful, humane way.”
Hindi ipinaliwanag ni Remulla kung paano niya nakuha ang bilang na 10,000 o kung ano ang naging batayan niya sa pagtaya nito.
Noong Setyembre, muling nagbabala si Remulla na maaaring mauwi sa madugong insidente ang tangkang pag-aresto kay Dela Rosa, ngunit hindi niya ipinaliwanag ang mga posibleng pangyayaring magbubunsod ng karahasan.
May arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa bilang indirect co-perpetrator sa crimes against humanity kaugnay ng mga namatay sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
Nauna nang nagtangka ang mga awtoridad na ihain ang arrest warrant laban kay Dela Rosa noong Mayo 11. Nagresulta ito sa tensiyon at habulan sa loob ng gusali ng Senado.
Pagkatapos nito, inilagay si Dela Rosa sa kustodiya ng Senado para sa kaniyang proteksiyon. Gayunman, umalis siya sa gusali noong Mayo 14 at hindi na muling nagpakita sa publiko mula noon.
Nagpahayag ng panghihinayang si Remulla dahil hindi agad inaresto ng mga awtoridad si Dela Rosa noong una pa lang. Aniya, iginalang niya noon ang isang gentleman's agreement ng Senate at executive branch hinggil sa kustodiya sa senador.
“The only thing that held me back was the gentleman’s agreement of the Senate and the Executive, that no arrest would be made as long as he was in their custody. So we were expecting that those holding custody over him were gentlemen,” saad ni Remulla sa magkahalong English at Filipino.
“It’s my fault; I shouldn’t have complied from the start. But I am a gentleman, I honor agreements. When they broke the deal, it no longer mattered to me either,” dagdag niya. — FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.