Babaeng naglalakad sa gilid ng kalsada sa Cebu City, nasagasaan ng SUV; driver, tumakas!

Nasawi ang isang 27-anyos na babae matapos siyang masagasaan ng isang sports utility vehicle (SUV) habang naglalakad sa gilid ng kalsada sa Cebu City. Ang driver na nakadisgrasya, tumakas pero nasakote rin kalaunan.
Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa video footage na naglalakad ang biktima sa gilid ng kalsada, kasama ang kaniyang mister sa General Maxilom Avenue, nang biglang sumulpot at mahagip sila ng SUV mula sa likuran.
Nagawang nakatayo ang lalaki at tinangkang habulin ang SUV na mabilis na tumakas.
Nasawi sa ospital ang babaeng biktima.
“The wheels go across her chest. The wheels spinning on her chest tore her skin,” sabi ng mister ng biktima na si John Charles Livingstone.
“If he had stopped after hitting us to check on us or help us, she might have been fine, but... he tried to get away. He ran over and killed her,” dagdag nito.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad, natunton at nahuli nila ang 26-anyos na driver ng SUV, na nagpositibo na nakainom batay sa isinagawang breathalyzer test.
“Under custody na siya. In fact, nag-undergo [siya] of breath analyzer test and nag-positive po siya,” sabi ni Cebu City Police Office Deputy City Director for Operations P/Lt.Col. Gerard Ace Pelare.
“Based on his narration, nakatulog siya while driving,” dagdag nito.
Ayon kay Livingstone, kakauwi lang niya sa Cebu, at namamasyal sila ng biktima nang mangyari ang insidente.
Desidido si Livingstone na kasuhan ang driver dahil sa sinapit ng kaniyang asawa.
Plano raw sana nila ng biktima na magsimula ng pamilya sa Amerika at hinihintay na lang na maaprubahan ang kanilang visa.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang driver ng SUV.— Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.