Lalaki at babaeng sakay sa motorsiklo na nambato kaya dumugo ang ulo ng isang bata, anong mga kaso ang maaaring kaharapin?

Napaulat kamakailan ang isang insidente ng road rage kung saan dumugo ang ulo ng isang 8-anyos na babae habang kasama ang ina at nakasakay sila sa badiya [maliit na tricycle]. Nasugatan ang bata dahil pambabato umano ng matigas na bagay ng lalaki at babae na sakay naman ng isang motorsiklo. Ano nga ba ang mga kasong maaaring kaharapin ng dalawa? Alamin.
Sa Ask Atty. Gaby sa Unang Hirit, binalikan ang viral video na makikita ang rider na suspek na nagmamaneho ng motorsiklo na isang kamay lang ang gamit sa manibela habang hawak ang cellphone sa isa pang kamay.
Sa hiwalay na video, mapanonood na dumudugo ang ulo ng bata habang natataranta ang kaniyang ina na katabi niya.
Bago ang habulan sa kalsada, nagkainitan umano ang ina ng bata at dalawang sakay ng motorsiklo. Pasakay sa badiya ang bata at kaniyang ina ngunit hindi sila makapasok dahil nakaharang ang mga nasa motorsiklo.
Kaya umabante na lang ang badiya para makasakay ang mag-ina at makaalis. Gayunman, sinundan sila ng dalawang nakamotorsiklo, at nangyari na ang pagkasugat sa ulo ng bata.
Patuloy naman na hinaharap ng mga awtoridad ang lalaki at babaeng suspek.
Ayon kay Atty. Gaby, maaaring maharap ang dalawa sa kasong physical injuries, na depende sa kung gaano katindi ang pinsala ng biktima kung maituturing itong “slight” or “less serious.”
May posible rin silang paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children against Abuse and Discrimination dahil sa pambabato na tinamaan ang bata.
Kaugnay naman ng paglabag sa batas bilang mga motorista, posibleng may paglabag sa Anti-Distracted Driving Act o Republic Act 10913 ang rider dahil sa paghawak ng cellphone at pagkuha ng video habang nagmamaneho.
May posible ring paglabag dahil sa paggamit ng helmet na hindi maayos ang pagkakasuot nito, kabilang na ang chin straps na nakakabit sa ulo, batay sa Republic Act 10054 o ang Motorcycle Helmet Act of 2009.
May posibleng paglabag din ang mga suspek sa Section 48 ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code dahil sa pagmamaneho gamit ang isang kamay lamang habang nagbi-video at nakikipagtalo na maaaring maglagay sa kaniya at sa ibang tao sa kalsada sa kapahamakan. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.