Matinding init, puwede bang gamiting dahilan ng manggagawa para 'di pumasok sa trabaho?

Inaasahan na magdudulot ng matinding init ng panahon ang Super El Niño, na ayon sa mga eksperto ay mararamdaman hanggang sa unang bahagi ng 2027. Maaari nga bang gamiting dahilan ng manggagawa ang matinding init para hindi siya pumasok sa trabaho? Alamin ang tugon ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Kapag tumaas na po sa extreme caution, yung nandoon na po sa 40°C, ay puwede na pong gamitin na dahilan po ‘yun na hindi po pumasok,” sabi ni Labor Secretary Francis Tolentino sa panayam ng Unang Balita nitong Martes.
Magiging bahagi ang nasabing polisiya sa labor advisory na ilalabas ng DOLE habang naghahanda ang bansa sa matagal na tagtuyot na maaaring tumagal hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.
Ayon sa naunang pahayag ng Climate Change Commission (CCC), inaasahang aabot sa 50 degrees Celsius ang heat index sa mga urban area, kabilang ang Metro Manila, sa panahon ng Super El Niño.
Delivery riders
Sinabi rin ng DOLE na maglalabas ito ng advisory para sa mga delivery rider na nanganganib dahil sa maghapong pagkabilad sa araw.
“Yung patungkol naman sa delivery riders ay ia-allow po ang mga rider to reject delivery, pagka-42 °C pataas na. Ito po yung oras na alas dose ng tanghali hanggang alas tres ng hapon, na sobrang init,” ayon kay Tolentino.
Ipapayo rin ng kagawaran sa mga manggagawa na magsuot ng mga damit na presko at madaling makapasok ang hangin. Maaari ding magpatupad ang mga employer ng flexible work arrangements para sa kanilang mga kawani.
Bukod dito, maaaring makatanggap ng kompensasyon ang mga empleyado sa pampubliko at pribadong sektor para sa mga pinsalang may kaugnayan sa matinding init na natamo habang nagtatrabaho.
“Ang patungkol sa ECC, Employees' Compensation Commission kung saan ang ating mga manggagawa privado man o sa gobyerno kasi under puno ng SSS, GSIS ay magkakaroon ng reimbursement kung sakaling sila ay ma-ospital, magpunta sa clinic at bibili ng gamot kung may heat-related injuries na work-related din,” ayon kay Tolentino. —Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.