2 miyembro umano ng gang, arestado sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Maynila

Dalawang umanoy miyembro ng True Brown Style gang o TBS, arestado sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Maynila.
Isa sa mga suspek, nahuli matapos isumbong ng netizen habang naka Facebook Live ang mga pulis.
Bakas pa rin ang takot at trauma sa mukha ng Grade 9 student na si alyas Nene matapos umano siyang pagsamantalahan ng kaniyang dating nobyo at ng kaibigan nito.
Nangyari yan sa loob ng isang compound sa bahagi ng Punta sa Sta. Ana, Maynila noong July 25 ng gabi.
Ayon sa Nanay ng 16 anyos na biktima, hindi nagpaalam ang kanyang anak na aalis siya at magpupunta sa dating nobyo.
Nag-iwan daw ng trauma sa dalagita ang sinapit niya kung saan kinailangan niya rin munang huminto sa pag-aaral.
Ayon sa pulisya, nilasing ng 19 anyos na dating kasintahan at 21 anyos na kaibigan nito ang biktima.
"Si suspect 1 yung ex boyfriend, inano siya sa loob ng banyo, pinasok tapos pinagsamantalahan siya then after nung nangyaring insidente kay suspek 1, sinundan naman nitong suspek 2, noong ginagawan na siya nang hindi maganda dun sa banyo, may parang dumaan na tao malapit sa banyo, doon siya nakahingi ng tulong," ayon kay Police Lt. Col. Richard Villanueva, MPD-6 station commander.
Napag alaman ng mga awtoridad na pawang mga miyembro ng TBS and dalawang lalaki na sangkot sa krimen.
"Actually noong medical checkup niya, nakita yung tattoo niya somewhere in sa likod niya na mayroon siyang True Brown Style tapos through interviews sa kanya, inamin naman niya na member siya," sabi ni Villanueva.
Nitong ika-13 ng Oktubre nang lumabas ang warrant of arrest para sa kanya, agad siya nahuli sa bahagi ng Malate and kaibigan ng dating kasintahan ng biktima na kinilala sa alyas na "JM."
Itinanggi niya ang krimen.
"Di naman po ko nakisali sa kanila sir eh... ex niya po kasi yun sir eh, di ko naman pwedeng pigilan yun sir eh," ayon sa akusado.
Nakatakdang dalhin ngayong araw sa Manila City Jail ang akusado para sa commitment order ng korte.
Habang patuloy na hinahanap ang dating kasintahan ng biktima.
Sa Tondo naman, natyempuhan kagabi ng mga awtoridad ang lalaking yan na kargado ng baril sa bahagi ng Sta. Maria Street.
May dalang baril
Ayon sa pulisya, saktong naka-Facebook Live ang mga tauhan ng Raxabago Police Station habang nagsasagawa ng Oplan Galugad.
Isang concerned citizen ang nagcomment at nagsumbong sa kinaroroonan ng isang lalaki na may dalang baril.
Agad pinuntahan ng mga awtoridad ang 37 anyos na suspek kung saan nakumpiska sa kanya ang isang handgun na kargado ng 17 bala.
Sa pag-imbestiga ng mga pulis, napag alaman na miyembro rin ng TBS ang lalaki.
Depensa ng suspek, isinanla lang sa kanya ng isang lalaki ang baril sa halagang 55 pesos.
Wala rin naman daw siyang intensyong gamitin sa masama ang baril.
Matatandaan na kamakailan nang tinawag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na isang community-based criminal gang ang TBS.
Sinabi ni Remulla na maraming miyembro nito ang gino-groom ang mga menor de edad para sumapi sa grupo at sisinasama sa criminal activities gaya ng pagnanakaw sa mga convenience store bilang bahagi ng initiation rites.
Umalma naman dito ang suspek na nahulihan ng baril sa Tondo.
Mahigit 18 taon na raw siyang miyembro ng TBS.
"Marami naman pong TBS na makakapagpatunay na hindi naman talaga totoo yung mga sinasabi nila... maraming TBS na matino," ayon sa suspek.
Mahaharap siya sa reklamong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o ang Resistance and Disobedience to a person in Authority at R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and ammunition. — BAP GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.