Cebu Pacific, na may pa-11.11 'Piso sale'

Inanunsiyo nitong Linggo ng budget carrier na Cebu Pacific ang paglulunsad ng discounted base fares para sa mga domestic at international flights bilang bahagi ng kanilang promosyon ngayong Nobyembre.
Ayon sa anunsiyo, maaaring makakuha ang mga bibiyahe ng one-way base fare na nagkakahalaga lamang ng P1 para sa kanilang susunod na biyahe, ngunit hindi kasama ang iba pang fees at surcharges.
Tatagal ang promo mula Nobyembre 8 hanggang 11.
Saklaw naman ng travel period para sa mga flight na mabibili sa ilalim ng promo na mula Pebrero 1 hanggang Hulyo 31, 2027.
Sa kasalukuyan, may operasyon ang Cebu Pacific sa 35 domestic at 26 international destinations sa iba't ibang bahagi ng Asya, Australia at Middle East.
Nauna nang inanunsiyo ng airline na maglulunsad ito ng karagdagang direct flights patungo sa mahahalagang lungsod sa China, Vietnam at Japan sa ikaapat na quarter ng taong ito.
Kabilang sa mga pagbabagong ipinatupad ang muling pagbabalik ng direct flights sa Cebu at Ho Chi Minh City sa Vietnam noong Oktubre 26.
Simula sa Nobyembre 17, magkakaroon ang Cebu Pacific ng tatlong flights kada linggo sa Cebu at Shanghai, China.
Muli ring ilulunsad ng airline sa Nobyembre 19 ang direct flights nito sa Clark at Hanoi.
Samantala, ibabalik din nito sa Nobyembre 23 ang direct flights mula Manila patungong Xiamen. —Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.