Driver ng SUV kung saan sumabit at nahulog ang isang lalaki na ikinamatay nito sa Mandaluyong, nahuli na

Nahuli na ang driver ng Sport Utility Vehicle (SUV) kung saan sumabit at nahulog ang isang lalaki na humantong sa kaniyang pagkamatay sa Mandaluyong. Ang biktima, tinangkang pahintuin ang driver na tumangay umano sa ibinibenta niyang cellphone.
“So ito po ay through our continuous follow-up, ‘yung hot pursuit nga natin na walang tigil through our back and forward tracking sa mga CCTVs,” sabi ni Police Colonel Rey Ochavo, Officer in Charge ng Mandaluyong Police Station, sa ulat ni Jamie Santos sa Balitanghali nitong Biyernes.
Hindi nanlaban ang suspek nang dakipin at maayos na sumama sa pulisya.
Lumabas sa imbestigasyon, na nag-ugat ang insidente sa pagbebenta ng cellphone ng biktima sa suspek.
Nagkunwari umanong bibili ang suspek pero sinabing wala siyang dalang pera. Nagpanggap siyang magwi-withdraw ng pera at isinakay sa SUV ang biktima at ang nobya nito.
Pagdating sa bangko, pinababa ng suspek ang biktima at ang girlfriend nito para utusan na alisin ang kadenang nakaharang.
Pero imbes na mag-withdraw, biglang pinaharurot ng suspek ang SUV para tumakas dala ang cellphone.
Mapanonood sa isang dashcam video ang SUV na may nakasabit na lalaki sa gilid ng sasakyan.
Nahulog kalaunan ang lalaki, pero hindi siya tinulungan ng driver ng SUV at tinakasan pa.
Kinilala ang lalaking nahulog na si Mohammad Sheikdugar, 23-anyos, na nasawi sa insidente.
Robbery with homicide ang isasampa ng pulisya laban sa suspek.
Nananawagan ng katarungan ang girlfriend ng biktima.
“Sana po makuha talaga ni Mohammad ‘yung hustisya. Kasi hindi niya po deserve ‘yung ganu’n po,” sabi ng nobya ng biktima.
Sa huling mensahe sa anak, umaasa ang ina na nasa mabuting kalagayan na ito.
“Ang mensahe ko kay Mohammad, sana nasa paraiso siya,” sabi ni Muslima Sarib Sheikdugar, ina ng biktima.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.