Batas na nag-uurong sa Brgy. at SK elections upang gawin sa Nov. 2028, pirmado na ni Marcos

Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong batas para ipagpaliban ang nakatakdang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Nobyembre, upang iusog sa Nobyembre 2028. Ang termino ng mga opisyal ng barangay, pinapahaba rin ng limang taon.
"Sa paglagda natin sa Republic Act No, 12326, na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, malinaw ang ating inaasahan sa ating mga kasalukuyang opisyal. Gamitin ang panahong ito upang mas pagbutihin ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa at mas tutukan ang pangangailangan ng bawat komunidad, pamilya at kabataan," sabi ni Marcos sa Facebook page.
"Hindi ito dagdag na panahon sa puwesto. Dagdag itong panahon ng pananagutan sa taumbayan," dagdag pa niya.
Ipinasa ng Kongreso ang panukalang nagpapaliban sa nalalapit na BSKE at nagpapalawig sa termino ng mga opisyal sa limang taon. Ipinadala ang naturang batas sa Palasyo noong Huwebes para pirmahan ni Marcos upang ganap nang maging batas.
Kinumpirma rin ni Palace Press Officer Claire Castro ang paglagda sa panukala sa isang press briefing noong Biyernes.
“Pinirmahan na po ng Pangulo,” sabi ni Castro nang tanungin sa media briefing sa Ilocos Norte.
Sinabi ni Castro na kapuwa nakita ng Pangulo at mga mambabatas kung gaano kahalaga ang mga opisyal ng barangay, kabilang na sa paglaban sa kriminalidad at pagpapanatili ng kalinisan sa mga lansangan.
Ipinaliwanag din niya na nagbibigay-daan ang mas mahabang termino upang maisakatuparan ng mga opisyal ang mga pangmatagalang proyekto. Aniya, hindi ipinasa ang bagong batas para maging tamad ang mga opisyal.
“Ito ay para sila magtrabaho. Kaya para sa mga barangay officials, ang kailangan po namin ay trabaho mula sa inyo,” ani Castro.
Sa bagong batas, itinakda ang bagong petsa ng BSKE sa ikalawang linggo ng November 2028. Dapat sana itong gawin sa unang Lunes sa darating na Nobyembre.
Inaasahan naman na iaakyat ng mga kontra sa pagpapaliban ng naturang halalan ang usapin sa Korte Suprema. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.