The Daily Newsstand · Free, Always
Wednesday, November 4, 2026

72-anyos na ama, patay sa suntok ng live-in partner ng kaniyang anak

Translate

Nasawi ang isang 72-anyos na ama matapos siyang pagsusuntukin ng kinakasama ng kaniyang anak sa Sual, Pangasinan. Ang biktima, inawat lang ang suspek na nakikipag-away sa dalawang lalaki.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na kinompronta ng suspek ang dalawang lalaki na pinaghihinalaan niyang sumira sa kaniyang lambat sa Barangay Baquioen.

Ang naturang komprontasyon, nauwi sa suntukan ng suspek at dalawang lalaki.

Dito na tinangka ng biktima na mamagitan sa naturang kaguluhan. Pero pinagbalingan din siya ng suspek na lasing umano noon at pinagsusuntok.

Nawalan ng malay ang biktima dahil sa tinamong mga suntok at hindi na siya umabot nang buhay sa ospital nang isugod.

Naaresto naman ang suspek na nagsisisi umano sa kaniyang nagawa.

Mahaharap sa kaukulang reklamo ang suspek, habang hindi nagpaunlak ng panayam ang kaanak ng biktima.—FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.