Pump price rollbacks, posibleng umabot sa P14 per liter sa susunod na linggo

Malaking bawas sa presyo sa mga produktong petrolyo ang aasahan ng mga motorista sa susunod na linggo.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, na batay sa unang apat na araw ng trading ngayong linggo, maaaring umabot sa P14 kada litro ang matapyas sa gasolina.
Samantalang nasa P5 per liter naman ang maaaring mabawas sa presyo ng diesel, at P5.20 per liter naman sa kerosene.
Maaari pang magbago ang mga numero depende sa magiging resulta ng kalakalan ngayong Biyernes.
Iniuugnay ni Abad ang inaasahang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa resulta ng midterm elections sa Amerika, na inaaasahang makukuha ng partido ng oposisyong Democrats ang kontrol sa Kongreso.
Aniya, ang resulta ng halalan ay tila nagpahina sa mga inaasahan na maisusulong ng administrasyon ni US President Donald Trump ang mga polisiya nito nang walang malaking pagtutol.
Nakatulong din umano sa pagbaba ng pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng langis sa buong mundo ang mga inaasahang hakbang na maaaring matapos na ang sigalot ng US at Iran.
Gayunman, nagbabala si Abad na maaaring hindi magtagal ang pagbaba ng presyo ng langis kung hindi ito susuportahan ng aktuwal na pagbangon ng suplay ng langis sa pandaigdigang merkado.
Samantala, sinabi rin ng isang source mula sa industriya ng langis na posibleng hanggang P13.50 kada litro ang mabawasan sa gasolina, at P4.50 kada litro naman ang maaaring ibaba sa presyo ng diesel. —FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.