Ai-Ai Delas Alas, inakala noon na kinakampihan ng mga anak si Gerald Sibayan

Inamin ni Ai-Ai Delas Alas na nagkaroon siya ng tampo sa kaniyang mga anak na sina Sancho at Sophia dahil sa pag-aakalang kinakampihan ng mga ito ang dati niyang asawa na si Gerald Sibayan.
Sa nakaraang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” binalikan ng mag-iina ang panahong dumadaan sa pagsubok ang kanilang pamilya dahil sa relasyon nina AiAi sa at Gerald.
Nasa U.S. si Sophia noon, habang nasa Pilipinas si Sancho.
Hindi ikinala ni Sancho na labis siyang naapektuhan noong nasasaktan ang kaniyang nanay na si Ai-Ai.
“Sobra (apektado). Kasi umabot ako sa point na sa sobrang stressed ko, lumabas ‘yung psoriasis ko,” kuwento ni Sancho.
Ayon sa kaniya, sinubukan nilang magkapatid na tumulong na ayusin ang relasyon nina Ai-Ai at Gerald.
“Ang pagkakaintindi ko kasi parang feeling ko, tumatanda lang si Mama na tinutopak lang. Kasi nu’ng we heard about it, parang walang ibang solusyon kundi maghiwalay. Kumbaga kami… wala na kami sa edad para umu-oo nang umu-oo lang sa kung anong sinasabi ni Mama. So, we tried fixing it. Tapos trinay namin i-figure out kung ano bang nangyayari in between them,” sabi ni Sancho.
Nakiusap si Sancho kay Sophia na kausapin si Gerald, habang siya naman ang kakausap sa kanilang ina para intindihin kung ano ang gusto nitong mangyari.
“Ang usapan, ang naririnig ko lang, ‘Hiwalay,’ hiwalay na.’ For me, Tito Boy, kasal kayo sa simbahan. Meron 12 pari, [limang bishop], hindi pa ba enough para maging strong ‘yung marriage niyo?,” saad niya.
Ibinahagi ni Sancho na tiniis ni Ai-Ai na hindi magkuwento sa mga anak para hindi madamay ang mga ito.
“Eh kaso Tito Boy, shaky na kami. Kami dapat 'yung magkakampi. Parang nagkakaroon kami ng doubts kay Mama noong una na baka mamaya tinutopak lang si mama,” ani Gerald.
1 taong ‘di nag-usap
May puntong inakala ni Ai-Ai na kinakampihan ng kaniyang mga anak si Gerald.
“One year kami hindi nag-usap ni Sophia,” sabi ni Ai-Ai, habang pareho silang nagsimulang maging emosyonal ng anak.
“Kasi feeling ko, ‘Bakit, anak kita. Ako 'yung iniwan. Bakit parang kumakampi ka kay Gerald?’ So ayun, one year ko siyang hindi kinausap. Kailan lang kami nag-uusap,” anang Comedy Queen.
“And kaya tinatago ko lahat from the beginning, 'yung mga pain, lahat ng sakit kasi ayokong saktan 'yung mga anak ko. Kung kaya kong tiisin lahat ng sakit para hindi sila maapektuhan dahil sobra ko silang mahal, sila ang buhay ko eh,” pagpapatuloy niya.
Kaya para kay Ai-Ai, mas magaling siyang ina kaysa magaling siyang asawa dahil sa pagprotekta niya sa kaniyang mga anak.
Kalaunan, natuklasan niyang gusto ng kaniyang mga anak na hindi agad opsiyon ang paghihiwalay.
“Pero nu’ng sinabi ko sa kanila 'yung totoong dahilan, doon sila nag-decide na, ‘Ah, kaya pala gusto to ni Mama,” ani Ai-Ai.
Ang kaniya namang mga anak, naunawaan din ang kaniyang panig.
“At naiintindihan namin. Tsaka kasi, Wala namang kaming ibang iintindihan kundi nanay namin,” sabi ni Sancho. “Kumbaga nanay namin ito eh.”
Taong 2017 nang ikasal sina Ai-Ai at Gerald, at muli nilang inulit sa Las Vegas noong 2022. Ipinagdiwang pa nila ang kanilang ika-10 taong anibersaryo bilang magkasama noong Abril 2024.
Hanggang sa kinumpirma ni Ai-Ai noon ding 2024 na hiwalay na sila ni Gerald. -- FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.