Higanteng perlas na minana ng isang babae, totoo kaya at P1B ang halaga?

Posibleng magbago ang buhay ng isang babae dahil sa pamana sa kaniya ng kaniyang lola na isang higanteng perlas na posible umanong nagkakahalaga ng halos P1 bilyon. Pero ang perlas, isinangla niya sa isang dating politiko. Mabawi pa kaya niya ito, at maibenta na sa malaking halaga? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok si “Agnes,” at ang pamana sa kaniyang higanteng perlas ng kaniyang “Lola Victoria,” mga hindi nila tunay na pangalan.
Ayon sa kaniyang Lola Victoria, iniregalo noon ang perlas sa kaniyang ama, o sa lolo sa tuhod ni Agnes, na isa umanong Datu.
Pinangalanan nila itong “The Lover,” dahil may mistulang dalawang taong magkayakap sa bandang likuran nito. Sa isa namang anggulo may tila mukha ng isang lalaki.
Bago pumanaw si Lola Victoria, inihabilin nito kay Agnes na gumawa ng dokumento. Ngunit dahil hindi pa alam ni Agnes kung tunay na may halaga ang perlas, ginawa niya muna itong display sa bahay.
Tila may suwerteng hatid ang perlas na puting-puti, makinis, at may bigat na 18-kilo.
“Maganda 'yung career ko. Lucky charm ko siya. I tell things, negative side na nangyari sa akin. In high and low tide of my life, nakasama ko siya,” sabi ni Agnes.
Kung minsan, inilalagay niya rin ito sa container ng kanilang inuming tubig sa paniniwalang nakagagamot ng mga sakit.
Kalaunan, naalala ni Agnes ang huling habilin sa kaniya ni Lola Victoria tungkol sa dokumento, at napagtantong gusto nitong mapagawan ng certification ang perlas na authentic o totoo.
Unang ipinasuri ni Agnes ang hinihinalang perlas sa Earth Material Science Laboratory ng National Institute of Geological Sciences sa University of the Philippines, Diliman.
Batay sa lumabas na resulta, 94% Aragonite ang hawak ni Agnes, na isang klase ng calcium carbonate.
“It means that definitely, you have eliminated many fakes. Masasabi ba namin na original ‘yan? Malaki na ang chance na totoo nga ''yan,” sabi ni Dr. Carlo Arcilla, head ng Earth Material Science Laboratory ng NIGS, UP Diliman.
Lumapit din si Agnes sa gemologist o eksperto sa mga mamahaling bato o gems na si Bensilli Blaise Badar.
“Maganda. Mataas ang calcium and Aragonite content. That is a good quality of pearl. Authentic 'yung pearl. Although, siyempre may human intervention na 'yan, nakinis na talaga, pero it's still, 'yun pa rin 'yung laway nu'ng galing sa shell na na-fossilize. Galing na sa bundok 'yan, hindi na yan galing sa dagat,” sabi ni Badar.
Ayon pa kay Badar, isa umanong Tridacna Gigas o natural giant clam na nagkaroon ang tinatawag na concretion o pamumuo ng mineral deposit sa loob ng taklobo ang hawak ni Agnes.
Umabot ng P45,000 ang nagastos na ni Agnes para sa pagpapasadokumento ng perlas, kabilang ang certification, ownership, bukod pa sa analysis.
Pero kung makumpleto naman ni Agnes ang mga kinakailangang dokumento gaya ng carbon dating, puwedeng pumalo ang perlas ng $15 milyon o halos P1 bilyon.
Napunta sa iba
Nang matuklasang may halaga ang pamanang perlas, sinubukan ito ni Agnes na ibenta.
Nalubog siya noon sa utang matapos pumanaw ang kaniyang mister, at malaki ang kaniyang pangangailangan para sa therapy treatment ng kaniyang anak na may autism.
Nagpatulong siya noong maghanap ng buyer sa kaibigan niyang si “Carlos,” hindi rin nito tunay na pangalan. Nasa abroad ang ilan sa mga nagka-interes dito ngunit hindi siya makalipad dahil walang trabaho.
Hanggang sa sinisingil na noon si Agnes ng kaniyang pinagkakautangan ng P200,000.
Kaya, imbes na ibenta, isinangla ni Agnes ang perlas sa isang dating politiko sa halagang P300,000. Ipinabayad niya ng utang ang P200,000 habang inilaan niya para sa pang-araw-araw nilang mga gastusin ang natitirang P100,000.
Plano ngayon ni Agnes na tubusin ang kaniyang perlas para maibenta.
“Gusto ko gumanda ang buhay namin lahat. Pag nabenta na siya, $15 million. Hanggang sa kanununuan ng anak ko, apo ko, buhay sila,” sabi ni Agnes.
Tunghayan sa KMJS ang obserbasyon ng isang gemologist tungkol sa perlas ni Agnes at posibleng halaga nito, at kung may pag-asa pa siyang matubos ito. Panoorin ang video. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.