22-anyos na babaeng angkas, nasawi nang mabangga ng delivery van ang sinasakyan niyang motorsiklo

Nasawi ang isang 22-anyos na babae matapos na mabangga ng isang delivery van ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Pozorrubio, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nakaangkas ang babae sa motorsiklo nang mabangga ito ng van sa national highway na bahagi ng Barangay Batakil.
Ayon sa pulisya, magkasunod na binabagtas ng motorsiklo at delivery truck ang kalsada nang mangyari ang trahedya. Sugatan din ang rider ng motorsiklo.
Idinahilan umano ng driver ng van sa pulisya na madilim ang lugar at hindi nito napansin ang motorsiklo na nasa kaniyang unahan.
Nagkaroon na umano ng pag-uusap ang kampo ng mga biktima at kompanyang nagmamay-ari ng delivery van, ayon sa pulisya.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.