Lalaking nagnanakaw umano ng mga piyesa ng sasakyan, patay nang barilin ng kaniya umanong biktima
_2026_10_01_16_41_53.jpg)
Nasawi ang isang 20-anyos na lalaki matapos siyang barilin ng isa pang lalaki na malimit niyang ninanakawan umano ng mga piyesa ng sasakyan sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang paglalakad ng dalawang lalaki bago lumiko sa paradahan ng mga truck sa Jose Abad Santos Avenue madaling araw nitong Martes.
Ilang saglit pa, isa sa kanila ang mag-isang lumabas mula sa garahe. Sumenyas pa ang lalaki sa pahinante ng truck bago tuluyang lumayo.
Binaril na pala niya ang kasama niyang naglakad patungong paradahan.
Dead on the spot ang biktima na isang tricycle driver.
“Nagulat na lang kami noong bandang 4:15 a.m. may pumutok, narinig ng isang kagawad namin. Pinuntahan nila. Nakita nga, may nakahandusay na roon. Tinamaan po banda rito (ibaba ng mata) sa parang pisngi,” sabi ni Chairman Alberto Muñoz ng Barangay 205.
Hindi residente ng barangay ang biktima. Taga-kabilang barangay naman ang gunman at nagtatrabaho sa isang aircon repair shop.
“‘Yung suspek wala na riyan kasi na-trace agad ng mga kapulisan natin kung sino ‘yung tao na ‘yun. Napagtanung-tanungan diyan, nakilala siya,” sabi ni Muñoz.
“‘Yung lalaking namaril, namimili ng mga kalakal, ng mga second-hand aircon, ref ‘yun ang hanapbuhay nu’n. So malimit siya dating ninanakawan, ‘yung mga wiring sa ilalim ng sasakyan, tuwing mag-start siya ng sasakyan wala nang mga wiring, battery. May nakapagsabi sa kaniya na itong tao na ito ‘yung malimit na nagnanakaw talaga,” sabi ni Kagawad Ramil Mamangon ng Barangay 205.
Kalalaya lang ng biktima matapos mabilanggo dahil sa pagnanakaw.
Sinisikap pa ng GMA News na kunan ng pahayag ang pamilya ng nabaril na lalaki.
Patuloy ang paghahanap sa gunman. — Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.