Illegal recruitment ng mga Pinoy sa Russia, iniimbestigahan -- DMW

Nakikipagtulungan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at international authorities upang imbestigahan ang posibleng ilegal na pagkalap sa mga Pilipino sa Russia, sa gitna ng digmaan ng Russia at Ukraine, ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Ayon kay Cacdac sa Kapihan sa Manila Bay Forum nitong Miyerkoles, kabilang sa mga ahensyang na katuwang nila sa imbestigasyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense.
"We're working closely also with DOJ-IACAT para masugpo ito. Meron at meron talagang illegal recruitment activity along these lines," ani Cacdac patungkol sa Inter-Agency Council Against Trafficking in the Philippines.
Ginawa ni Cacdac ang pahayag si Cacdac matapos lumabas ang mga ulat na isang Pilipino ang nasawi habang nakikipaglaban para sa puwersa ng Russia laban sa Ukraine.
Hindi kinumpirma ni Cacdac ang ulat, ngunit sinabi niyang may nagaganap na ilegal na pangangalap sa mga Pinoy.
Gayunman, hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye dahil sa nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Nauna nang sinabi ng DFA na hinihintay nito ang kumpirmasyon sa mga ulat na isang Pilipino ang nasawi habang nakikipaglaban para sa puwersa ng Russia sa Ukraine. —FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.