Emergency room ng Ospital ng Maynila, nasa 253% nitong Martes ng gabi, ayon kay Mayor Isko

Nasa 253% ang Emergency Room capacity ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) nitong Martes ng gabi, batay sa anunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno. Nitong Lunes, umabot ito sa 300% sa dami ng dinadalang pasyente roon.
“Umabot na po sa 253% ang Emergency Room capacity ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) as of 7:00 PM ngayong Nobyembre 17 (Martes),” saad sa Facebook post ng alkalde.
“Hinihiling po natin ang pang-unawa at pasensya ng mga pasyenteng naghihintay ng atensyong medikal. Maaari ring magtungo sa iba pang kalapit na ospital na may kakayahang tumanggap ng pasyente,” mungkahi pa ng alkalde.
Nakahanda umano ang mga ambulansya ng Manila City DRRM Department na tumulong sa paglipat ng mga pasyente sa ibang ospital kung kinakailangan.
Sa isang ulat ni Bernadette Reyes sa “24 Oras” nitong Martes, sinabing mahigit isang oras na naghintay bago maipasok sa emergency room ang buntis na anak ni Maya Fernacol matapos silang magmadaling pumunta sa ospital noong hatinggabi.
“Bago ka po makapasok sa emergency room, magpapalista ka pa po muna rito na iklaro kung sino yung taong pasyente na ‘yon na aasikasuhin nila,” ayon kay Fernacol.
Sa isang pahayag, humingi ng paumanhin ang Ospital ng Maynila Medical Center at umapela ng pang-unawa sa mga pasyente. Sinabi rin ng ospital na nakikipag-ugnayan na ito sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department para sa paglilipat ng mga pasyente sa iba pang pasilidad kung kinakailangan.
Nakipag-ugnayan na rin ang Department of Health (DOH) sa ospital at lokal na pamahalaan ng Maynila upang magbigay ng tulong.
Maaga nitong Martes, sinabi ni DOH Secretary Edwin Mercado na hindi na siksikan sa ospital matapos mailipat ang ilan sa mga pasyente
“Nag-peak lang pero na-distribute naman na nila don sa iba nilang mga ospital. Kasi nga po ngayon, seasonal medyo dumadami yung may mga ubo’t sipon at tsaka yung Influenza-like illness, yun naman po ay kalimitan mabilis yung churn ng ating pasyente,” anang kalihim.
“But kami po ay handa at kami po ay nagpapadala ng mga tent para po maibsan yung congestion doon sa ospital,” dagdag niya.
Ayon sa DOH, mayroon pang ibang ospital na pinangangasiwaan nito sa Maynila, gaya ng nasa Paco, Pandacan, at Tondo. Gayunman, nananatiling isa sa mga pinakamadaling puntahan ng mga pasyente ang Ospital ng Maynila Medical Center.
Kabilang sa mga nagmula pa sa labas ng Maynila upang magpagamot sa ospital ang pamilya ni Rodel Dela Cruz mula Dasmariñas, Cavite.
“Dito kasi merong pedia and [endocrinology], kailangan ng anak ko eh. Sa ospital namin, libre naman din kaso walang… residenteng endo kaya dito talaga kami,” paliwanag ni Dela Cruz.
Sinabi ng DOH na nakikipag-ugnayan din ito sa iba pang mga ospital na nakararanas ng pagdami ng mga pasyente, kabilang ang mga pasilidad sa Calbayog, Samar, at Camarines Sur. — Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.