Driver ng SUV na naka-hit-and-run sa 3 tao sa Lapu-Lapu City, Cebu, hinahanap; LTO, nagpalabas ng SCO

Kinondena ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO) ang nangyaring hit-and-run incident na kinasangkutan ng isang Sports Utility Vehicle noong Linggo na malubhang ikinasugat ng tatlong tao. Ang Land Transportation Office (LTO), naglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan at driver nito.
Sa inilabas ng pahayag LCPO nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa M.L. Quezon National Highway sa Barangay Marigondon, na ikinasugat ng tatlong naglalakad sa gilid ng kalsada.
Ayon sa pulisya, natukoy na ang plaka ng sasakyan na hindi tumigil nang mangyari ang insidente para tulungan at itakbo sa ospital ang tatlong biktima na humandusay sa daan.
“The LCPO is conducting a thorough investigation to establish the circumstances of the incident and determine the identity and whereabouts of the driver involved. The LCPO is also coordinating with the Land Transportation Office (LTO) to verify the vehicle’s registration details and establish the identity of its registered owner and driver,” ayon kay Police Colonel Agosto Daskeo, City Director, LCPO
Umapela rin ang pulisya sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung makita nila ang sasakyan at kung kilala nila ang nagmamaneho nito na sangkot sa insidente.
“The LCPO assures the public that all available leads are being pursued and that appropriate action will be taken in accordance with existing laws and procedures,” saad pa sa pahayag.
Samantala, ipinag-utos ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao ang paghuli sa driver at pag-impound sa sasakyang sangkot sa naturang hit-and-run incident.
Naglabas na rin umano ang LTO Region VII ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver at rehistradong may-ari ng naturang sasakyan. Suspendido rin ng 90-araw ang lisensiya ng driver at naka-alarma ang sasaksan.
Batay umano sa ulat, tinangka ng driver ng SUV na mag-overtake sa isang tricycle kaya nabundol nito ang tatlong biktima naglalakad sa gilid ng daan.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima.
Posibleng umanong maharap ang driver sa kasong reckless driving, at maaaring ipataw ang perpetual revocation sa kaniyang lisensya kung mapatutunayang na isa isang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”
“Responsibilidad ng bawat drayber na maging maingat at harapin ang anumang insidente sa kalsada. Kaya agad kong iniutos ang pag-impound sa naturang sasakyan at ang pagsasagawa ng kaukulang aksyon ng LTO Region VII. Hindi natin hahayaang matapos ang isang hit-and-run nang walang pananagutan,” ayon sa pahayag ni Lacanilao. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.