Batang babae na tumawid sa kalsada kasama ang ina, patay matapos masagasaan ng truck sa Davao City

Isang babae na 10-taong-gulang ang nasawi matapos na masagasaan ng dump truck habang tumatawid sa Maa Road kasama ang kaniyang ina sa Davao City. Ang lugar kung saan tumawid ang mag-ina, dating may pedestrian lane pero inilipat na.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV News State of the Nation nitong Martes ng gabi, sinabi ng ina ng biktima na galing sila sa bangko nang mangyari ang trahedya.
Aniya, malayo pa noon ang truck at naka-pula ang stop light nang tumawid sila, at nauna ang kaniyang anak na nasawi.
“Tumawid kami kasi malayo pa talaga yung dump truck tapos pula rin yung side…pula rin yung kabilang side. Tapos nagulat ako nang pagdating ko sa unahan, malapit na pala sa akin [yung truck]. Kaya sumuot agad ako sa ilalim ng gulong ng dump truck,” anang ginang na nasugatan din sa insidente.
“Tapos natumba kami, yung bata [isa pa niyang anak] nasa loob. Yung isa kong anak hindi ko alam kung nasaan siya napunta, yung namatay,” dagdag ng ginang.
Ayon kay PSSG. Junas Escana, investigator on the case, umandar ang truck nang mag-green ang traffic light at hindi napansin ng driver na biglang tumakbo patawid ang mag-ina.
Dating may pedestrian lane sa lugar kung saan tumawid ang mag-ina pero binura na at inilipat, ilang metro ang layo.
“Doon sila tumawid [sa dati] dahil nakasanayan nilang naroon ang pedestrian lane na binura na namin at inilipat nang mga limang metro,” sabi ni Escana, na idinagdag na blind spot sa malalaking sasakyan ang dating tawiran.
Aminado ang ina na hindi niya napansin ang karatula na inilagay sa dating pedestrian lane na wala nang tumawid doon.
Hindi na naghain ng reklamo laban sa driver ng truck ang ginang. Nangako naman ang kompanya ng truck na sasagutin ang pagpapalibing sa bata. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.