Driver ng van na nanutok umano ng baril sa kapuwa motorista, inisyuhan ng SCO ng LTO

Inihayag ng Land Transportation Office (LTO) na naglabas ito ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver ng van na nakuhanan ng video na nagpapakita umano ng mapanganib na pagmamaneho at panunutok ng baril sa ibang motorista.
Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Linggo, sinabing bukod sa mapanganib na nagmamaneho at panunutok ng baril, hindi rin nakasuot ng seatbelt ang naturang driver habang nagmamaneho.
“Kabilang sa mga paglabag na tinukoy sa SCO ang Reckless Driving o mapanganib na pagmamaneho, paglabag sa paggamit ng seatbelt, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle, bukod pa sa iba pang pananagutan na maaaring matukoy sa nagpapatuloy na imbestigasyon,” saad sa pahayag.
Inaatasan ng LTO ang driver at rehistradong may-ari ng van na humarap sa Office of the Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, sa Setyembre 25, 2026, upang magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag at mga kaukulang orihinal na dokumento kaugnay ng insidente.
Isasailalim din sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng sangkot na drayber at inatasan siyang agad na isuko ito sa IID.
Inilagay din sa “alarma” ang naturang sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at kaukulang proseso ng ahensya.
“Hindi lugar ang kalsada para sa marahas na pag-uugali at panunutok ng baril. Kapag nagmamaneho tayo, hindi lang sarili natin ang iniisip natin kundi pati ang kaligtasan ng ibang motorista. Ang ganitong mapanganib na pagmamaneho at pananakot ay hindi natin palalampasin at mananagot ang mga gumagawa nito,” ayon kay LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.