PH Embassy, nagpaalala sa mga Pinoy sa France na mag-ingat at maghanda sa gitna ng malawakang kilos-protesta doon

Pinaalalahanan ng Philippine Embassy sa Filipino community sa France na sumunod sa abiso ng French government na maghanda sa gitna ng malawakang kilos-protesta sa nasabing bansa.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nag-abiso ang French authorities na maghanda ng emergency kit na pang-tatlong araw o 72 hours.
Nagpayo rin ang Philippine Embassy sa mga Pilipino na mag-ingat sa mga nangyayaring protesta sa France.
Tiyaking laging nakahanda ang passport, residence permit, at iba pang mahahalagang dokumento.
Tiyaking may cash sakaling hindi magamit ang electronic payments.
Panatilihin ding bukas ang komunikasyon sa pamilya, at sumubaybay sa mga opisyal na alerto ng gobyerno.
Mainam ding alamin ang contact details sa embahada ng Pilipinas at ang mga awtoridad ng France.
Nagpoprotesta ang mga mamamayan sa France dulot ng kanilang mga hinahing sa mataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, pati ang pagbaba ng kalidad ng public service. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.