1 patay, 2 sugatan matapos mauwi sa pamamaril ang suntukan ng ilang kalalakihan sa Tarlac

Nauwi sa pamamaril ang suntukan ng dalawang grupo ng kalalakihan sa labas ng isang bar sa Tarlac City. Isa ang nasawi at dalawa ang sugatan sa naturang insidente, at sinasabing alagad ng batas ang suspek.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa labas ng isang bar sa kahabaan ng bypass road sa Tarlac City.
“Nagkarambulan sila sa labas ng bar na kung saan sila umiinom. Parang yung suspek, nakita niya yung mga kasama niya na nakukuyog kaya siya naglabas ng baril at nagpaputok,” ayon kay Police Lt. Con. Glen Santiago, hepe, Tarlac City Police Station.
Tatlong tao ang tinamaan sa ginawang pagpapaputok ng suspek na pawang dinala sa ospital. Sa kasamaang-palad, binawian ng buhay ang isa.
Nadakip naman ang 36-anyos na suspek na ayon sa paunang ulat ng pulisya ay isang alakag ng batas.
Nakumpiska rin sa kaniya ang isang baril na kalibre .45 na hinihinalang ginamit sa krimen.
Isinalang na siya sa inquest proceeding at nahaharap siya sa mga kasong homicide at frustrated homicide.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang suspek, pati ang mga kaanak ng mga biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.