The Daily Newsstand · Free, Always
Friday, October 30, 2026

SAYANG!: Alex Eala, kinapos sa muling pagtutuos nila ni Diana Shnaider sa Pan Pacific Open

Translate

Nagtapos na ang kampanya ni Alexandra 'Alex' Eala sa Pan Pacific Open sa Japan matapos na mabigong muli kontra sa Russian na si Diana Shnaider, 2-6, 7-6(5), 6-4, sa isang matinding quarterfinals na laban nila nitong Biyernes.

Sa unang set, bagaman si Shnaider ang nanalo sa unang game, sunod-sunod naman na kinabig ni Eala ang limang game upang makuha ang kontrol sa laban.

Nakabawi pa si Shnaider ng isang panalo sa game, ngunit tuluyang naselyuhan ni Pinay tennis star ang panalo upang ibulsa ang unang set.

Naging dikdikan naman ang ikalawang set nang magpalitan sila ng puntos na nagtabla sa iskor na 6-6.

Sa tiebreak, nanguna si Shnaider sa 5-3 bago nakapuntos nang magkasunod si Eala upang itabla muli ang iskor. Ngunit dahil sa double fault ni Eala, muling nakalamang si Shnaider.

Nasungkit ni Shnaider ang susunod na puntos upang masungkit ang ikalawang set at itulak ang deciding third set.

Sa ikatlong set, agad na nakalamang si Shnaider sa 3-1 bago nakakakuha ng isang game si Eala.

Humingi pa ng medical timeout si Eala sa ikaanim na game dahil sa naramdamang problema sa kaniyang kaliwang paa.

Sunod nito ay napalaki na ni Shnaider ang kaniyang kalamangan sa 4-2 bago muling nakakuha ng isang game si Eala.

Nasungkit ni Shnaider ang ikawalong game upang makalapit sa tagumpay, pero kumabig pa muli ng isang game si Eala.

Sa huling game, nakapagtala ng ace si Shnaider upang tuluyang makuha ang panalo.

"Honestly, I feel like this match deserved to be a final. It was an insane level of tennis from both of us," sabi ni Shnaider sa post-match interview.

"I didn't believe that I would be able to pull that win off because she played insane. I was just trying to keep reminding myself to keep fighting for every point. As you see on the score, it was a very tight second set. So yeah, definitely just fighting for every point and that paid off," dagdag niya.

Ito na ang ikalawang sunod na pagkatalo ni Eala kay Shnaider, matapos silang magharap sa Ningbo Open sa China kamakailan sa iskor na 7-5, 6-4.

Makakaharap ni Shnaider si Mia Pohankova sa semifinals, na nananalo kontra kay Naomi Osaka sa quarterfinals sa iskor na 7-6(3), 6-3.

Samantala, sunod na sasabak si Eala sa WTA 250 Hong Kong Open sa susunod na linggo, na magiging huling WTA tournament niya ngayong taon. – FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.