Basurero at misis na raketera, nakapagpundar ng pangarap nilang bahay para sa kanilang pamilya

Pinatunayan ng isang padre de pamilya na basurero, at misis na raketera na basta magkasama at nagtutulunga, walang imposible sa pagtupad ng kanilang pinapangarap na sarili at maayos na bahay sa Cabuyao, Laguna.
Sa isang episode ng “Good News,” binalikan ang nakaka-inspire na kuwento ng mag-asawang Dexter at Donalyn Frias, at kanilang pamilya.
Si Dexter, high school lang ang natapos sa pag-aaral kaya naisip na pasuking trabaho ang pagbabasura. Bahagi na ng kaniyang pang-araw-araw na buhay ang baho at alinsangan.
“Sa hirap din po na maghakot ng basura, mga stick, mga bubog, pagka wala kang guwantes, minsan nagkakasakit ka ‘pag nalalanghap mo 'yung masamang amoy,” sabi ni Dexter, na madalas kulang pa sa sapat ang kinikita para itaguyod ang pamilya.
Nakikitira lamang noon ang kanilang pamilya sa isang barong-barong sa may garahe ng truck na walang kuryente at walang tubig.
Sa kabila ng sitwasyon, naging tanglaw ng liwanag ng kaniyang buhay ang kabiyak na si Donalyn.
“Sabi niya po kahit mabagal, basta tayong dalawa lang 'yung magsasama unti-unti, aangat din tayo,” ani Donalyn.
Kaya naman doble kayod si Dexter sa pagbabasura. Si Donalyn naman, rumaket at pinasok pati pagtitinda ng kakanin.
“Imbis na bungangaan ko na lang siya araw-araw, kada suweldo kulang, bakit hindi ko na lang tulungan?” sabi ni Donalyn.
Kalaunan, pinasok na rin ni Donalyn ang pagiging delivery rider.
“Naisip ko po, so since may motor naman ako, in demand po ang mga delivery riders, bakit hindi ko po sabukan? Kasi po sabi po nila, nu’ng una, maganda daw po 'yung kita, maayos po. Tapos, tinry ko po,” sabi niya.
Dahil sa kanilang pagtitiyaga, nakalipat kalaunan ang kanilang pamilya mula sa tagpi-tagping barong-barong sa isang disenteng bahay na kanila nang inuupahan.
“Nakatira na po kami kahit papaano sa disente na bahay. May internet na rin po, may tubig na rin po, may aircon na rin po, may kama na rin po. Hindi man po ganu’n kasing bongga ng iba. Pero sa sarili namin ‘yun ay pinaghirapan,” sabi ni Donalyn.
Hindi nagtatapos sa pangungupahan ang hangad nina Dexter at Donalyn, dahil pangarap nilang magkaroon ng sariling bahay.
Kaya naman unti-unti silang nag-ipon.
“Siya po, lahat po ng sweldo. Nasa akin, may payslip pa po 'yun. Ako po, lahat po nakalista po 'yun. Ang ginagawa ko po, bayad po ng bahay sa akinse. Bayad po ng bahay sa Laguna, sa katapusan. Naka-detalye po 'yun,” sabi ni Donalyn.
Hindi pinababayaan ng mag-asawa ang edukasyon ng dalawang anak. Ang kanilang panganay na si Andrea Frias, isang aspiring flight attendant.
“Napakaswerteng anak ko po. Kasi napapag-aaral po nila ako kahit mahirap 'yung buhay. Lagi lang po nilang sinasabi na, ‘Kahit ganito, minsan wala kami. Nabibigay pa rin namin 'yung pangangailangan niyo. Kaya kami nagtatatrabahong dalawa,” sabi ni Andrea.
Hindi ikinahihiya ni Andrea ang pagiging basurero ng ama.
“Proud po ako sa tatay ko. Hindi naman po nakakaya 'yung ganu’ng trabaho ng tatay ko eh. Lahat po ng mga kaibigan ko alam po 'yun. Pinagmamalaki ko nga po na, kahit ganu'n po, masuwerte pa rin po ko kasi meron,” sabi ni Andrea.
Kalaunan, natupad na rin ang pangarap nina Donalyn at Dexter nang magkaroon na sila ng sariling tahanan.
“Tuloy-tuloy po 'yung luha ko. Tears of joy po 'yung kasi ito na, kahit mahirap pong maghulog buwan-buwan, sobrang dami 'yung sakripisyo buwan-buwan,” ani Donalyn.
Tunghayan sa Good News ang kanilang istorya, at iba pang kuwento na kapupulutan ng aral. Panoorin. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.