Wanted na sisilbihan ng arrest warrant, nanlaban; 1 pulis patay, 1 pa sugatan

Isang pulis ang nasawi, habang isa pa ang sugatan matapos na manlaban ang aarestuhing most wanted person umano sa Northern Mindanao sa Sapad, Lanao Del Norte noong Biyernes.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing isang Alyas “Palos” ang sisilbihan sana ng arrest warrant dahil sa mga kinakaharap na kaso. Pero natunugan nito at mga kasamang armadong lalaki ang mga operatiba at nagpaputok kaya nagkaroon ng engkuwentro.
Nasawi rin kinalaunan ang suspek na nagtangka pang tumakas sakay ng motorsiklo.
Pinagsanib na puwersa ng Intelligence Unit ng Police Regional Office 10 (PRO-10) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang magsisilbi ng arrest warrant.
Nahaharap umano ang suspek sa mga kasong pagpatay, arson, at illegal possession of firearms.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang motorsiklo na gamit ng suspek, isang M16 rifle, mga magazine, at mga bala, at isang granada.
Nakita naman ang nasawing pulis at kasama niyang sugatan na nasa loob ng isang dilaw na kotse na may mga tama ng bala sa isang barangay sa Sapad.
Isinugod sa ospital ang dalawa pero hindi na naisalba ang buhay ng isang pulis.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang nangyari sa pagkasawi ng pulis pero inaalis sa ngayon ang hinala na nagkaroon ng misencounter. –FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.