Menor de edad na rider, inatake ng ilang kabataan sa gitna ng highway sa Nueva Ecija

Pinagsusuntok ng ilang kabataan ang isang menor de edad na rider sa gitna ng highway sa Barangay Bitas sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nahagip ng dashcam sa sasakyan ng isang kagawad ang insidente noong hapon ng September 17 sa gitna ng Maharlika Highway.
Nakahinto umano noon ang 17-anyos na biktima at naghihintay ng go-signal sa traffic lights nang bigla siyang pagsusuntukin ng nasa apat na kabataan.
Ayon sa nakakuha ng video na si Jason Arsillo, hahabulin sana niya ang mga nanuntok pero mabilis na tumakbo ang mga ito kaya inalalayan na lang niya ang biktima.
Natunton din kalaunan ang mga nanakit na napag-alaman na pawang mga menor de edad din kaya dinala sila sa city social welfare department.
Lumilitaw na dati nang alitan umano ang ugat ng insidente.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.