SP Gatchalian sa mga inaantok: Sa bahay na lang manood ng impeachment trial

Hinimok ni Senate President at senator-judge Sherwin Gatchalian ang mga inaantok at pagod na nais na dumalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na sa bahay na lamang manood ng mga pagdinig sa halip na matulog sa loob ng session hall ng Senado.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, sinabi ni Gatchalian na hindi magandang tingnan na dumalo sila sa impeachment court proceedings at pagkatapos ay matutulog lang.
Ang pahayag ng lider ng Senado ay bunga ng pagsita ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis Escudero nitong nakaraang linggo kay Manila Rep. Bienvenido Abante dahil sa tila pag-idlip habang isinasagawa ang paglilitis.
Nasa VIP section ng session hall ng Senado si Abante nang tila makaidlit habang nagbibigay ng testimonya si Rendell Sopeña, division chief ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS).
Nanawagan naman ang prosecution team ng Kamara de Representantes sa publiko na unawain si Abante. Ayon sa kanila, normal lamang na antukin ang mga nakatatanda sa ilang oras ng araw at hindi ito nangangahulugang hindi siya dedicated na public servant.
Nag-post din si Senator-judge Ping Lacson ng larawan ni Abante habang natutulog. Nagbiro ito sa post at sinabing iniisip niya kung saan matutulog si Abante nang araw na kanselahin ang impeachment trial noong Setyembre 30.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Lacson na tila nakalamang ang prosecution team sa defense team ni Duterte dahil nahuling natutulog sina Abante at private prosecutor Lorna Kapunan, kumpara kay dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na kabilang sa panig ng depensa.— FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.