Lalaking pasahero na nagbiro ng 'bomba' sa NAIA, inaresto

Arestado ang isang 50-anyos na lalaking pasahero na papuntang Hong Kong matapos umano siyang magbiro na may bomba sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ayon sa airport police nitong Huwebes.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine National Police Aviation Security Group (AVSEGROUP) na naganap ang insidente sa departure area ng paliparan noong Martes habang nagpapaliwanag ang isang airline passenger service agent tungkol sa mga paghihigpit sa mga mapanganib na bagay at electronic devices.
Hanggang sabihin umano ng pasahero sa airline personnel, “Bomba, may bomba 'yan.”
Iniimbestigahan ng mga tauhan ng AVSEGROUP ang insidente at nakipag-ugnayan na sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) team.
Matapos ang inspeksyunin ang mga bagahe ng pasahero at mga nakapalibot na lugar, idineklara ng mga awtoridad na walang mga pampasabog at mga materyales na nakakasunog ang mga ito.
Inaresto ang pasahero at dinala sa NAIA Police Station 1 para sa disposisyon.
Inihahanda na ang isang kasong kriminal laban sa kaniya para sa paglabag umano sa Anti-Bomb Joke Law kaugnay ng Artikulo 287 ng Revised Penal Code o Unjust Vexation.
Binigyang-diin ni Police Brigadier Dionisio Bartolome Jr., direktor ng AVSEGROUP, na hindi kailanman binabalewala ang mga biro tungkol sa bomba dahil maaari itong magdulot ng unnecessary alarm at makagambala sa mga operasyon ng paliparan. - Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.