Nasa 200 Vietnamese, nasagip sa ni-raid na scam hub sa Olongapo City

Aabot sa 200 Vietnamese ang nasagip matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang scam hub sa Olongapo City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing bumungad sa mga awtoridad ang iba't ibang gadgets at dokumento ng naturang operasyon.
Sinabi ng National Bureau of Investigation, mga taga-Pilipinas, United Arab Emirates at Bangladesh ang karamihan sa mga target ng scammers.
Patuloy na inaalam kung biktima ng human trafficking ang mga dayuhang nasagip.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga nasagip na dayuhan.
Nakikipag-ugnayan na ang NBI sa Bureau of Immigration, Inter-agency Council Against Trafficking at Embassy ng Vietnam para sa documentation at repatriation ng mga Vietnamese.
Inihahanda na ang mga isasampang reklamo laban sa mga nasa likod ng operasyon, pati na sa pagpapa-freeze sa kanilang mga account.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.