2 babae na umano'y nagbebenta online ng nakaw na appliances, arestado
_2026_10_08_18_19_48.jpg)
Sa kulungan ang bagsak ng dalawang babae sa Quezon City matapos silang magpanggap na mga customer at bumili ng mga aircon at TV online, para muling ibenta online sa mas murang halaga.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing ikinasa ang entrapment operation sa isang warehouse sa Barangay San Antonio nitong Martes.
Inaresto ng pulisya ang dalawang babaeng nagbebenta umano ng nakaw na appliances pagkaabot sa kanila ng pera.
Batay sa QCPD, Oktober 1 nang makatanggap ng mensahe ang isang kompanya na nagbebenta ng appliances online, na may bibili sa kanila ng 15 air conditioning units at pitong flat screen TV.
Agad umanong nagpadala ng bank deposit slip bilang patunay na nagbayad ang buyer umano kaya ipinadala sa kaniya ang inisyal na anim na air conditioning units.
“The next day vinerify po uli ng bangko. Napatunayan po na wala pong pumasok at it was returned due to that it was already closed or tumalbog 'yung kaniyang dineposit,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Edgar Escreza, Commander ng Masambong Police Station.
Makaraan ang ilang araw, natuklasang ibinebenta na online sa mas murang halaga ang air conditioning units.
“Nagawang makipagtransakisyon ng kanilang empleyado, ng kanilang staff doon sa tao na iyon at nakuha nila 'yung mga batch number, serial number and brand or model number ng mga items na iyon na saktong magka-match doon sa mga items na ini-release,” sabi ni Escreza.
Nabawi mula sa dalawang salarin ang tinanggap nilang P120,000 at anim na air conditioning units.
Tumangging silang magbigay ng pahayag, habang nakabilanggo na sila sa Masambong Police Station.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Fencing Law.
“Accordingly sa claim ng ating mga suspek naging channel lang daw sila yet they have to prove it in the court… Kapag bumili ka ng nakaw may parusa at ‘pag nagbenta ka ay may karampatang parusa pa rin iyon,” sabi ni Escreza. — Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.