Elma Muros, emosyonal nang alalahanin ang yumaong mga magulang

Hindi napigilan ng "Iron Woman" of Philippine sports na si Elma Muros na maging emosyonal nang alalahanin niya ang yumaong mga magulang, na pinag-aalayan niya ng nakamit niyang mga karangalan sa larangan ng palakasan.
Sa kaniyang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” binalikan ni Elma, na tubong Romblon, ang mga hirap na kaniyang dinanas noong kabataan.
“Naiyak kasi ako, kasi hindi rin biro 'yung pinagdadaanan namin. Ayoko sana umiyak,” panimula niya.
“Sa umaga sa probinsya, lakad ka lang, malapit lang school. Siyempre, normal na pamumuhay ka eh. Masaya ka na ‘yung pumapasok ka. Balik ka sa bahay, kain, tulog, takbo ka dahil gigisingin ka ng coach. Tulong ka doon sa magulang mo, pupunta ka doon sa isang baryo kasi nandoon 'yung magulang mo na nagpalay, ang nanay mo nagtitinda,” pag-alala ni Elma.
Sa kabila ng mga hamon sa buhay, masaya si Elma sa kaniyang pagiging atleta.
“Nakita ko rin ang hirap ng buhay ng magulang ko na hindi ko ini-expect na maging atleta ako. Sa hirap ng buhay, tapos nakitaan ako, sabi ko ‘Hindi ko ito palalagpasin,’” sabi niya.
Inamin ni Elma na idolo niya ang yumaong Filipina sprinter at “fastest woman in Asia” na si Lydia de Vega.
“Kahit na mapalayo ako, isa-sakripisyo ko ito. Dahil siyempre, unang una, kahit bata pa ako, sa pangalan lang na ‘yung mga nagbigay ng karangalan na si Lydia, eh gusto ko siyang makita at gusto ko siyang gayahin at balang araw gusto ko siyang makasama,” kuwento niya.
Nakita ni Elma ang sports para makatulong din sa kaniyang pamilya.
“Ito na ‘yung pamamaraan na mabawasan man lang ‘yung parang responsibilidad ng magulang ko dahil may talent ako, makatulong na ko,” saad niya.
Pinaalalahanan siya ng kaniyang ama na palaging maging mapagkumbaba.
“Kasi sabi niya sa akin, ‘ikaw antay mo 'yung tamang panahon mo. Huwag kang maging mayabang. At saka 'yung mga taong tumulong sa'yo, balikan mo at pasalamatan mo, tandaan mo may takot ka sa Diyos.’ At saka nilagay ko sa sarili ko na normal lang ako, hindi ko dapat ito ipagmalaki, isang pitik lang ang Panginoon Diyos itong talent na ito,” patuloy niya.
Tinanong ni Susan kung tinakasan ni Elma ang kahirapan.
“Sabihin na nating tinakasan ko. Pero ang pagtakas ko na 'yun is may hangarin ako, may ambisyon ako, sa mura kong edad, na ito pala, na ang bayan na Magdiwang, Romblon is makikilala sa, hindi ko naman sa ipinagmamalaki dahil dugo at pawis ang pinaghirapan ko. Ito 'yung kapalit,” tugon niya.
Sa gitna ng panayam, naging emosyonal si Elma nang muling alalahanin ang kaniyang mga magulang.
“Hindi ko man mapaayos ang bahay namin. Magulang ko, hindi ko nabigyan ng sapat na pera. Pero 'yung karangalan, 'yung alaala at 'yung nabubuhay ako. Habambuhay ko silang mamahalin,” sabi ni Elma.
“Kahit wala na sila dahil 'yung hirap dugo at pawis sa bukid, 'yung nanay ko walang tinapos Grade 3 lang. 'Yung tibay ng loob, tapang, sipag, tiyaga na nakuha ko sa magulang ko. Inay, Itay kahit wala na kayo. Wala ako naibigay na pera na malaki. Hindi ko kayo napagamot nang tuluyan. Pero ang alaalang ibinigay mo sa akin, sobra pa sa ginto, sobra pa sa pera. Ito ako ngayon,” dagdag.
Inihayag ng "Long Jump Queen" ng Pilipinas ang kaniyang pagiging proud na magdala ng karangalan sa bansa.
“Kahit retired na, masaya ako na ako'y mawawala sa mundo. Hindi ko maniningil, Lord. Ang sarap ng feeling kahit mahirap ka, wala kang sapat na pera. Nagbigay ka ng karangalan, ang medalya.”
Pagtulong sa pamilya
Edad 59 na ngayon, hindi rin nalilimutan ni Elma ang kaniyang mga kapatid.
“Kasi walo na lang kaming magkapatid. Kasi mga kapatid ko, ang hirap din, kaniya-kaniya kaming survive eh. Eh, siyempre ako namulat ako sa murang edad, wala na ako sa kanila. Dose anyos, wala na ako. Nandito na rin ako eh. Nagkakayod na ako.”
Para kay Elma, titiisin niya para sa kaniyang pamilya, dahil walang ibang tutulong kundi pamilya rin.
“Titiisin ko, ipapakita ko na lang hangga’t kaya ko. ‘Kaya kayo matuto kayo.’ Kasi sa atin eh, wawalang hiyain ka lang naman din eh. Marami pangkukutsa ang abutin mo eh,” sabi ni Elma.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.