May-ari ng salon, mahanap kaya ang karapat-dapat na tagapagmana ng kaniyang kabuhayan?

Sa pagdagdag ng kaniyang edad, isang salon owner ang nais nang ipamana ang kaniyang salon na dugo at pawis ang kaniyang ipinuhunan maitaguyod lamang ito sa Dagupan City. Sa maraming nagnanais na makuha ang negosyo, tatlo lamang ang pumasok sa final cut. Koronahan na kaya ng salon owner ang karapat-dapat na tagapagmana nito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok si Ismael “Waning” Dela Torre, may-ari ng salon sa isang palengke sa naturang lungsod.
May dekorasyon na pink, Christmas lights at mga bulaklak ang kaniyang salon. Kasama na rin doon ang mga ipapamana niyang mga plantsa, blower, gunting at iba pang gamit.
Inihayag ni Waning ang pagmamahal niya sa kaniyang salon.
“Higit sa buhay ko, kasi dito kami nabubuhay. Dugo't pawis andito na, pinaglaanan mo. Dito ako masaya,” sabi ni Waning.
“Kasi 'yung mga customers ‘pag sinabing ‘ Ay, ang ganda-ganda ng pagkagupit mo sa akin.’ Para bang proud na proud ako sa sarili ko na sabi sinabi nila, ‘Thank you!’ ganu'n, 'di ba? Malaking bagay na sa isang tao 'yung mag-thank you sa'yo na nanggagaling sa puso,” pagpapatuloy niya.
Dekada 80 nang umalis si Waning sa Dagupan at nagtrabaho sa isa sa mga salon sa Sampaloc sa Maynila.
Dito nagsimulang magbago ang kaniyang buhay matapos makilala ang kaniyang nanay-nanayan na si Amanda, na nakita ang kaniyang potensyal at tinulungan siya.
Taong 2001 nang bumalik si Waning sa Dagupan, at doon na siya nagtayo ng sarili niyang salon. Kalaunan, nasunog ito.
Umibig din si Waning sa isang babae na si Erlinda dela Torre, na kanilang family friend.
“Pumunta kami sa bahay niya. Tinitingnan ko, naka-daster. Alam kong bading siya. Nakikita ko 'yung larawan niya, guwapong guwapo,” sabi ni Erlinda.
Ikinasal sila noong 2002, at nagkaroon ng anak na si Patrick. Noon namang 2022, nagkaanak si Patrick, na si Patricia, na apat na taong gulang na.
Hanggang sa umalis si Patrick sa Dagupan at iniwan si Patricia sa pangangalaga nina Waning at Erlinda.
Ngayon, ipinangalan na niya ang kaniyang salon mula sa kaniyang apo na si Patricia.
“Kaya Patricia Dela Torre Salon, dahil sa apo ko. Kasi 'yung apo ko, mahal na mahal ko,” sabi ni Waning.
Kahit maaaring sa kamag-anak ibigay ni Waning ang kaniyang salon, mas pinili pa rin niyang gawin ang ginawa noon sa kaniya ng kaniyang nanay Amanda.
“Inampon niya ako, inalagaan niya ako. Kaya ganoon din ang gagawin ko, mag-aampon din ako, tsaka mag-aalaga rin. Naging inspirasyon ko siya. Gusto kong sundan 'yung yapak na ginawa niya. Gusto kong i-share ‘yung blessing na dumarating sa akin. Gusto ko rin iparanas doon sa magiging anak-anakan ko,” sabi niya.
Ngunit may mahalagang hinahanap-hanap si Waning sa magiging tagapagmana.
“Above all, gusto ko gano'n din na mahalin niya 'yung iniwanan ko sa kaniya. Kung paanong pagmamahal sa salon, ganu’n din na pagmamahal sa kaniyang sarili,” sabi ni Waning.
Nanawagan si Waning para sa mga interesado, at marami ang sumagot. Kalaunan, nakapili siya ng tatlong finalist.
Makapili na kaya si Waning mula sa tatlong finalist para maging tagapagmana ng kaniyang pinakamamahal na salon? Panoorin. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.