Motorsiklo na nakikipagkarera umano, bumangga sa tricycle; 18-anyos na rider at 1 pasahero, nasawi

Patay ang isang 18-anyos na rider matapos na bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang tricycle sa General Santos City. Nasawi rin sa salpukan ang isang 70-anyos na pasahero sa tricycle.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional News One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang sakuna sa Digos Madagay Road sa Barangay Katangawan dakong 8:00 pm nitong Martes.
Makikita na humandusay sa kalsada ang nasawing mga biktima, gayundin ang tatlong nasugatan na pawang nakasakay din sa tricycle.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang rider at ang senior citizen na pasahero.
Ayon sa General Santos City Police Office Traffic Enforcement Unit, nakikipagkarera umano ang nasawing rider sa dalawa nitong kasama.
Pero nabangga ang rider na nag-“superman” stunt umano ang tricycle na nasa unahan nito, ayon kay Police Captain Lamberto Rabino Jr., Deputy Chief ng TEU Gensan.
Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang dalawang motorsiklo na sinasabing kasama ng namatay na rider.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga nasawi, at ang mga nasugatan sa insidente, ayon sa ulat.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.