Presyo ng diesel, posibleng sumipa ng P11 per liter sa susunod na linggo

Panibagong malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo ang aasahan ng mga motorista at tsuper sa susunod na linggo. Bunga pa rin ito ng kaguluhang nangyayari sa Middle East na nagdudulot ng krisis sa suplay ng langis.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing batay sa pagtaya ng oil industry sources, posibleng tumaas nang hanggang P11 kada litro ang presyo ng diesel, habang hanggang P5 kada litro naman ang itataas sa presyo ng gasolina.
Sa nakalipas na dalawang linggo, umabot na umano sa P10 kada litro ang nadagdag sa presyo ng diesel at gasolina.
Ang TNVS driver na si Randy Mancio, sinabing posibleng tumigil muna siya sa pagbiyahe kung magpapatuloy ang pagsipa sa presyo ng mga produktong petrolyo.
“Baka hindi na siguro kami bumiyahe dahil wala rin kaming kikitain, para na kaming naglalaro sa kalsada,” saad niya.
Ayon sa Department of Energy (DOE), dulot ng patuloy na krisis sa Middle East ang pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na tila hindi pa matatapos sa lalong madaling panahon ang sigalot doon.
Nakasaad sa batas na dapat umabot sa average na $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil bago maaaring suspindihin o bawasan ang excise tax. Ayon sa DOE, mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11, lumampas sa $100 kada bariles ang presyo ng krudo
Nasa Pangulo ang kapangyarihang suspindihin ang excise tax. Gayunman, sinabi ng Palasyo na wala pang desisyon kung at kailan sususpindihin ang excise tax.—Jean Mangaluz/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.