Kapitan ng nasunog na M/V June Aster: Naging sobrang bilis ng pangyayari

Isinalaysay ng kapitan ng M/V June Aster ang mga pangyayari kaugnay sa pagkasunog ng barko habang patungo sa Coron, Palawan noong Setyembre 9, 2026, na nagresulta sa pagkasawi ng mahigit 70 tao.
Batay sa kopya ng sinumpaang salaysay na nakuha ni James Agustin ng GMA News nitong Huwebes, sinabi ni Captain Roel Sarmiento, na sumakay siya sa ferry sa Baseco dakong 9:32 am noong Setyembre 8, at tumulong sa pagsubaybay sa loading operation.
Nagsimula ang pagkakarga ng mga rolling cargo o sasakyan dakong 7:15 pm, at umalis ang barko sa Baseco ng 8:14 pm.
Nakaranas umano sila ng napakalalakas na alon malapit sa Corregidor Traffic Separation Scheme at habang papalapit sa Hamilo Point. Bumuti naman ang kondisyon ng dagat malapit sa Fortune Island.
Dakong 6:29 pm ng September 9, bigla na umanong nagkaroon ng sunog.
“We are running good until day after o ika-9 ng Setyembre 2026 at buong araw ay maayos pero ng dumating ng 1829H habang ako ay nasa bridge watch nakapuwesto, pumasok ang aking steward at nagsabi na may sunog,” ani Sarmiento.
Sinabi ni Sarmiento na agad niyang iniutos na dalhin ang mga pasahero sa bridge at buksan ang pinto, habang inatasan ang isang able-bodied seaman (AB) na ihanda ang hose ng tubig at mga fire extinguisher.
Nang tumingin siya mula sa starboard wing o kanang bahagi ng ferry, nakita niya ang matinding apoy na tumatakip sa buong kanang bahagi ng barko. May nakita rin na apoy sa kaliwang bahagi.
Agad daw niyang ginamit ang VHF radio at public-address system upang magbigay ng babala tungkol sa nangyayari.
“Kaso biglang nagka-blackout na,” ani Sarmiento.
Iniutos na raw niya sa mga tripulante na i-deploy ang mga life raft dahil, ayon sa kanya, wala na silang ibang pagpipilian kundi ang makaalis sa nasusunog na barko.
Matapos maibaba ang dalawang life raft, inatasan ang mga pasahero na tumalon sa tubig. Tinulungan din ng mga tripulante ang isang ina na makalampas sa railing.
Ayon kay Sarmiento, hinubad niya ang kaniyang damit, binasa ng tubig, at itinakip sa kaniyang bibig upang makahinga sa gitna ng matinding init.
Sinabi rin niya na muli niyang binuksan ang pintuan ng isang air-conditioned accommodation upang tingnan kung may tao pa roon, ngunit hindi na niya kinaya ang tindi ng init.
Hanggang sinigawan na umano siya ng mga crew member na tumalon na sa dagat.
“Tinawag nila ako na, ‘Talon na Kap, talon na!’ Nagbalik ulit ako sa bridge at sinuot ko ang damit ko dahil wala na akong choice dahil sobrang init na wala nang chance mag-stay hanggang sa tumalon ako ng walang life jacket,” sabi ni Sarmiento.
Sinabi niyang nasa humigit-kumulang 30 metro ang layo niya mula sa isang seaman at humingi siya rito ng tulong. Hinubad ng seaman ang life jacket na suot nito at ibinigay kay Sarmiento bago lumangoy patungo sa isang life raft.
“Pagdating ko sa raft nagsibabaan po sila dahil papalapit sa barko ang raft. Pagkahawak ko sa raft ako ay nauntog dahil sa swell. Binalewala ko lang para makaakyat sa raft,” patuloy niya.
Ayon sa kapitan, bukod sa kaniya, nakasakay sa raft ang tatlong AB, isang ina, at isa pang pasaherong nasa edad 30. Nagsagwan sila habang kalaunan ay may isa pang pasaherong humiling na makasakay sa raft.
Kalaunan, nasagip ang grupo ng isang mangingisda at dinala sila pampang.
“Matapos makarating sa lupa, ako ay lubos na naluluha sa pangyayari. Natulala na lamang ako sapagkat wala na ako nagawa para pigilan pa ang paglaki ng apoy,” saad ni Sarmiento.
“Sa sobrang trauma ko ay naglakad lang po ako ng naglakad sa kalsada hanggang sa makarating ako kung saan man. Hanggang ngayon, isip pa din ako ng isip kung paano naging sobrang bilis ng pangyayari,” patuloy niya.
Boluntaryong nagtungo si Sarmiento sa tanggapan ng operator ng barko limang araw matapos ang insidente.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nasa kabuuang 77 katao na ang kumpirmadong namatay, walo ang nawawala, at 43 lamang ang nakaligtas sa insidente. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.