Pulong Duterte, naghain ng libel, cyberlibel vs. GMA Network, Matibag

Nagsampa ng kasong libelo at cyberlibel si Davao City 1st District Representative Paolo "Pulong" Duterte nitong Biyernes laban kina National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, at dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. dahil sa mga paratang ng pagpapadala ng pera sa kaniyang pamilya.
Kasama rin sa reklamo ang ilang ehekutibo at mamamahayag ng GMA Network.
"Ngayon lang, nagsampa tayo ng kasong libel at cyber libel laban kina Melvin Matibag, Gracioso, at ilang personalidad ng GMA News na nasa 24 Oras, dahil sa kanilang mga pahayag na walang katotohanan at malinaw na layuning manira,” pahayag ni Duterte sa isang ambush interview.
“Ginawa ko ito para sa aking mga anak at sa aking pamilya,” dagdag niya.
Sinamahan siya ng kanyang abogadong si Atty. Peter Paul Danao sa pagsasampa ng kaso.
“Tungkol ito doon sa pinalabas nilang pre-recorded video noong September 25 sa GMA News 24 Oras na pinapalabas doon na, allegedly, nagbigay daw ng maletang cash itong si Gracioso,” ayon kay Danao.
“Tinatanggi naman ni Congressman Paolo na kilala niya itong si Gracioso at wala siyang tinatanggap na maleta na cash sa kanya,” dagdag niya.
Sa isang pahayag, sinabi ng GMA Network na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng reklamo.
“We will review the matter and comment accordingly upon receipt,” sabi nito.
Ayon kay Danao, humingi si Duterte ng P10 milyon para sa moral damages at P10 milyon para sa exemplary damages.
Humingi ng komento ang GMA News Online sa NBI at ilalathala ito kapag mayroon na.
Kung maaalala, sinabi ni Gracioso na naghatid siya ng pera kina Duterte, Vice President Sara Duterte, at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Nauna nang itinanggi ng Bise Presidente ang mga paratang at naghain ng kaniyang affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI).
Samantala, nauna nang tinawag ni Rep. Duterte ang mga paratang ni Gracioso na "pure fiction."
“I do not personally know him. I did not receive any money or maleta ng pera from him, whether in a bar in Davao or elsewhere,” sabi niya.
“Mr. Gracioso’s allegations are pure fiction. It is a fairy-tale lie,” dagdag niya.
Gayundin, nauna nang sinabi ng kampo ni Velasco na “no basis” ang mga alegasyon laban sa mambabatas. —Jamil Santos/AOL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.