ALAMIN: Isang prutas na makikita sa Palawan, mistulang dugo ang laman pero healthy

Matinik at pulang-pula na parang dugo ang laman ng isang prutas na makikita sa Palawan. Ano nga ba ang prutas na ito na healthy umano kaya tinatawag ding “super fruit.”
kapag binuksan, paboritong lantakan ang Gac Fruit sa Rizal, Palawan. Ang prutas kasi, tinatawag ding “super fruit” dahil sa benepisyo nito.
Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” itinampok ang pagkatuklas ni Neil Estefano sa Gac Fruit, na inakala niya lamang na dekorasyon o plastic na ikinabit sa ceiling.
Ayon kay Neil, dilaw ang Gac Fruit kapag hilaw, yellow orange kapag malapit nang mahinog, at kulay pula kapag puwede nang anihin o putulin para kainin.
Paliwanag ni Kuya Kim, ang Gac Fruit ay isang vine o gumagapang na halaman kaya kailangan ito ng suporta gaya ng bakod o trellis na gagapangan.
Tinatawag din ang Gac bilang “super fruit” dahil sa taglay nitong kakaibang high concentration ng carotenoids, lalo na ang lycopene at beta-carotene. Nagsisilbi ang mga ito bilang antioxidants na nagbibigay ng benepisyo sa magandang paningin, balat at immune system.
Tinatawag ang isang prutas na “super fruit” kapag marami itong nutritional benefits. Gayunman, nilinaw ni Kuya Kim na isa lang itong marketing term at hindi isang medical and scientific definition.
Dagdag ni Kuya Kim, ang Gac Fruit ay isang tropical na prutas na kabilang sa pamilya ng kalabasa, ampalaya at pipino.
Madalas itong makikita sa mga bansa sa Southeast Asia, lalo na sa Vietnam, Thailand, Laos, Cambodia at ilang bahagi ng China.
“May pagkalasa siyang cacao na parang lasang kamatis. Halo-halo rin 'yung lasa niya. May katamisan siya guys. Pero ang pinakamalapit niya ng lasa is parang dragon fruit,” paglalarawan ni Neil.
Si Pete Montejo, nagpapalago ng Gac Fruit sa isang resort sa lugar.
“Nagsimula po siyang mamunga one year after maitanim ko po. Hindi po mahirap alagaan ang Gac Fruit kasi basta i-prepare mo lang 'yung kaniyang tataniman, tuloy-tuloy na po siyang mamunga at hindi na kailangan diligan o trim. Parang self-sustaining po siya,” sabi ni Pete.
Tunghayan sa “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” ang pagbisita ni Neil sa isang tindahan na mga katutubong prutas ang binibida sa Palawan pa rin. Panoorin. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.