Mga hayop na hanep sa pagba-balatkayo, alamin!

Kung pagtatago ang pag-uusapan, panalo ang mga hayop na ito dahil sa kanilang husay na gayahin o humalo sa kanilang kapaligiran para makapagtago sa predators o mag-abang ng makakain. Kilalanin ang mga hayop na binansagang “Masters of Disguise.”
Sa programang “Dami Mong Alam, Kuya Kim!,” ipinakita ang husay ng “Wrap-around spider,” upang gayahin at magmukhang bahagi ng sanga ng puno.
Ginagamit ng naturang gagamba ang pakurbang bahagi ng puno at saka ito yayakap sa surface para makapagtago.
Ayon sa biologist na si Kenneth Angelo Bagay, tanging ang wrap-around spider ang uri ng gagamba ang kayang gawin ang naturang abilidad sa pagtatago sa puno.
Concave din ang tiyan ng naturang gagamba kapag mas madali itong nakakapit at nakaka-blend sa puno.
Ginagamit ng wrap-around spider ang kaniyang abilidad sa umaga para makapagtago sa predators, at makahuli naman ng kaniyang pagkain sa gabi.
Samantala, ang “Leaf litter toad” ay napagkakamalan naman na dahon dahil sa pattern nito sa balat upang humalo sa mga dahon upang hindi siya mapansin.
Ang corals naman ang ginagaya ng “Pygmy seahorse,” na mahirap talagang makita dahil sa kaniyang liit.
Mas lalo itong mahirap makita dahil sa paraan nito ng pagtatago sa coral dahil na rin sa hitsura ng kaniyang katawan na may mga tila bukol, na tinawag na tubercles.
Samantala ang “Decorator crab,” ay gumagamit ng coral, sponge at seaweed, bilang palamuti sa kaniyang shell upang magaya ang kaniyang kapaligiran.
Ayon kay Bagay, may mga decorator crab na gumagamit ng poisonous seaweeds upang hindi siya makain ng predator.
Nagpapalit naman ng kulay depende sa panahon ang mga “Artic hare.”
Sa tag-araw, mukha itong karaniwang kuneho pero nagiging sobrang puti ng kaniyang balahibo kapag taglamig.
Sa ganitong paraan, mas nakakapag-blend ang kaniyang kulay sa niyebe kaya mas mahirap siyang makita.
Kaya rin ng mga “Kuwago,” na itago ang kanilang sarili sa puno dahil sa kulay ng kanilang balahibo.
“Kung makikita mo sila, manipis sila tapos mahaba, tapos maliit pa ang sanga, magmumukha talaga silang sanga ng puno,” sabi ni Bagay.
May pagkakataon din na sinasabayan ng kuwago ang galaw ng sanga para mas magmukha silang bahagi ng puno.
Kung ang ibang hayop ay ginagaya ang kulay ng paligid para magtago sa predator, ang “Sidewinder Rattlesnake,” nagbabalatkayo upang makakuha ng kanilang makakain.
Kulay brown ang kulay ng balat ng naturang ahas na may elliptical marking kaya mahirap silang makita kapag pumuwesto sa mga batuhan at desert. Subukan kung makikita ang mga naturang hayop sa kanilang disguise. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.