2 lalaking naaktuhang nagsisinsil sa poste sa QC para magnakaw, arestado

Naudlot ang tangkang pagnanakaw ng dalawang lalaki matapos silang maaktuhan ng mga rumorondang pulis na nagsisinsil sa poste ng kuryente sa Congressional Avenue, Quezon City. Ang mga suspek, umaming nanakawin sana nila ang ilang bakal sa poste upang ibenta.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, makikitang nakatalungko pa ang dalawang lalaki sa base ng poste ng kuryente nang abutan sila ng mga awtoridad bandang 4 p.m. nitong Martes.
Sinabi ng mga pulis na napansin na ang dalawa na nagsisinsil sa poste malayo pa lang kaya sinita sila.
Dinakip ang dalawa matapos walang maipakitang mga dokumento.
“Nu’ng lumapit sila, medyo tumigil sa ginagawa 'yung dalawang tao. Pero siyempre kahina-hinala 'yung ginagawa, tinanong ng mga tao natin, bakit kayo nandidiyan? Anong ginagawa ninyo? At bakit ninyo sinisinsil 'yung poste? So hindi sila makasagot. Hinanapan sila ngayon ng job order or authorization. Kung meron ba silang dapat gawin doon, wala rin silang mapakita,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros, Jr. commander ng Holy Spirit Police Station.
Aabot sa mahigit P117,000 ang halaga ng pinsalang naidulot ng pagsisinsil ng mga suspek, ayon sa pulisya.
Nakuha mula sa mga suspek ang ginamit na pansinsil, martilyo, screwdriver at pliers.
“Base sa investigation natin, ang balak nilang nakawin is 'yung mga cable ng nandoon sa may poste na 'yun na steel. Mahal kasi 'yun eh. 'Yun 'yung talagang paboritong targetin ng mga magnanakaw ng cable,” sabi ni Fabros.
Sinampahan na ang dalawa ng reklamong malicious mischief.
Pag-amin ng mga suspek, nanakawin nila ang ilang bakal para maibenta.
“May butas na po talaga ‘yun. Nadaanan namin. Pinapalaki lang namin. Kukunin namin 'yung bakal sa loob,” sabi ng 30-anyos na suspek.
“Ipapadala ko po sa anak ko 'yung pera po sana,” sabi ng 32-anyos na suspek.
Batay sa record ng pulisya, dati nang naaresto ang mga suspek dahil sa pagsusugal. —Jamil Santos/AOL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.