Lalaking ilang araw nang nawawala matapos maligo sa ilog, patay nang natagpuan sa Marikina River

Sa Marikina River nagtapos ang paghahanap sa isang 18-anyos na lalaking naligo sa isang ilog sa Quezon City, pero bangkay na siya nang matagpuan.
Ayon sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Balitanghali nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si John Carlo Diaz, na napaulat na nalunod sa ilog sa Sitio Bakal, Barangay Bagong Silangan nitong Martes ng hapon.
Nagtungo umano ang biktima at kaniyang mga kapatid sa ilog para sana hintayin ang drum na itatawid sa ilog.
Gayunman, sinabi ng kaniyang ina na nagpaiwan umano si John Carlo para maligo at ang mga kapatid lang ang sumakay sa bangka.
Nitong Miyerkules ng gabi, isang katawan ng lalaki na palutang-lutang ang nakita sa Marikina River sa Barangay Barangka na naka-basketball shorts, pilak na kuwintas, at walang suot na pang-itaas.
Nagtungo sa mga karatig na lugar ang pulisya para ipagtanong kung kilala ng mga residente ang lalaki, dahil hindi makilala ang bangkay.
"Walang nakakakilala sa kaniya. Ang maganda lang po roon, is napanood nu'ng imbestigador natin na mayroong napalabas po sa balita na may nawawalang lalaki noong September 22. So, nakuha natin 'yung contact po ng family. Then, nakipag-ugnayan po tayo. Baka 'yung hinahanap po nila is 'yung nakita nga po dito sa Marikina," sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina Police.
Nagtungo sa punerarya ang mga magulang ng biktima, at doon kinumpirmang si John Carlo ang inanod na bangkay sa Marikina River.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na nabagok ang biktima kaya siya nalunod.
"Sabi naman po nu'ng tatay, siya na po 'yun kasi nakita nga daw po niya noong time na noong lumangoy po siya na nauntog siya, na pumalo po 'yung kaniyang noo doon sa bato...baka nahilo na po siya doon, maliban sa malakas po 'yung current," sabi ni Tecson.
Sinusubukan pa ng GMA News na hingian ulit ng pahayag ang mga magulang ni John Carlo. — Jamil Santos/ VDV GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.