Flash flood, naranasan sa 2 bayan sa Benguet dulot ng matinding pag-ulan

Mabilis na naglabas ng abiso ang mga lokal na pamahalaan sa dalawang bayan ng Benguet dahil sa naranasang flash flood nitong Martes bunga ng malakas na pag-ulan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing inalerto ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng mga bayan ng Bokod at Kabayan ang mga barangay na maaaring maapektuhan ng flash flood.
Ayon sa MDRRMO ng Kabayan, tumaas ang tubig sa Kaling River, kaya kaagad na inalerto nito ang mga residente na dadaanan ng tubig na patungo ng Barangay Adaoay.
Kaagad din silang nagpadala ng mga tauhan upang bantayan ang sitwasyon sa ilog. Mayroong walong residente ang kinailangang ilikas.
Bukod sa magsubaybay sa tubig sa ilog, nakipag-ugnayan din ang MDRRMO-Kabayan sa ibang kalapit na munisipyo para sa koordinasyon.
Dakong hapon nitong Martes, naglabas din ng abiso ang MDRRMO-Bokod kasunod ng pagtaas ng tubig sa ilang lugar sanhi na rin ng pag-apaw ng Kaling River.
Dumaan ang tubig ng ilog sa bahagi ng mga Barangay Bila, Nawal hanggang sa Tikey.
Bagaman walang naapektuhan nang matindi sa mga residential area, pinaalalahanan naman ang mga mangingisda at may-ari ng fish cages na nasa ilog. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.